TINIYAK ng Malakanyang na idineklara nitong special non-working days kapwa ang Pebrero 9 at 10 sa buong bansa dahil sa pagdiriwang ng Chinese New Year.
Ito ang kinumpirma ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil sa gitna ng pagkalito ng ilang Pilipino matapos magpalabas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng Proclamation No. 453 nito lamang Enero 18, na nagdedeklara ng special non-working day sa araw ng Biyernes, Pebrero 9 para sa nasabing okasyon.
Karagdagan ito sa Proclamation No. 368, na may petsang Oktubre 11, 2023, na nagdeklara naman sa Pebrero 10, 2024, bilang special non-working day sa buong bansa para sa Chinese New Year.
Ang pinakabagong proklamasyon, nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, maituturing na ang nasabing linggo ay isang “long weekend” at kauna-unahang long weekend ng taon.
Base sa Proclamation No. 453, ang holiday ay idineklara para pahintulutan ang mamamayan na magdiwang ng Chinese New Year.
Inaatasan ng Proclamation No. 453 ang Department of Labor and Employment (DOLE) na magpalabas ng kaukulang circular sa pagpapatupad ng proklamasyon para sa pribadong sektor.
Ang Chinese New Year ay tanda ng pagsisimula ng bagong taon sa traditional lunisolar Chinese calendar.
(CHRISTIAN DALE)
254