RBH6 O PI?

TILA nilatagan ng kondisyon ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Senado na kung nais ng mga ito na mamatay ang People’s Initiative (PI) ay dapat ipasa ng mga ito ang Resolution of Both Houses (RBH) 6 na inakda ni Senate President Juan Miguel Zubiri.

“If you want to stop People’s Initiative dead in the water, just pass the Resolution of Both Houses (RBH) No. 6, ” mensahe ni House Majority Leader and Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe sa mga senador.

Bukod kay Zubiri, author din sa nasabing resolusyon sina Senate Pro-Tempore Loren Legarda at Senate Finance committee chairman Sen. Juan Edgardo “Sonny” Angara na naglalayong ilatag ang mga economic provision na aamyendahan sa Saligang Batas.

Kailangang madaliin umano ng Senado ang pagpapatibay sa RBH No. 6 upang maunahan ang PI na maisalang sa plebesito dahil kung hindi ay ang boses ng ordinaryong mamamayan ang mamamayani.

“Actually hindi naman hadlang ‘yung People’s Initiative. ‘Yung PI will also have to pass a referendum. Ngayon kung sino unang mapasa ‘yun ang magpi-plebisito,” paliwanag ng lider ng Kamara.

“Kung ako ang tatanungin ano ang sasabihin ko sa Senado: Ipasa na natin ‘yung RBH 6 ni Senate President Zubiri para hindi na pwede mag-plebisito ‘yung People’s Initiative because it’s clear in our law you cannot have two in the span of five years,” dagdag pa nito.

Ganito rin ang payo ni House deputy speaker at Quezon Rep. Jayjay Suarez sa Senado na nagsimula na sa pag-iimbestiga hinggil sa signature-buying at paggamit umano ng pondo ng bayan sa pangangalap ng lagda sa PI petition.

“Move forward, talakayin na ang RBH No. 6 para pag-usapan na ang pag-amyenda sa economic provision,” ani Suarez lalo na’t moot and academic na rin umano ang PI matapos itigil ng Commission on Elections (Comelec) ang pagproseso sa mga nakalap na lagda.

Itinuturing naman ni Bataan Rep. Geraldine Roman na “waste of time” at “moot and academic” ang pagdinig ng Senado sa pangunguna ni Sen. Imee Marcos dahil sa aksyon ng Comelec.

(BERNARD TAGUINOD)

131

Related posts

Leave a Comment