GINANG PATAY, ASAWA’T 3 ANAK SUGATAN SA BANGGAAN

CAVITE – Patay ang isang 31-anyos na ina habang sugatan ang ama at kanilang tatlong anak na pasahero ng isang tricycle nang banggain ang kanilang sasakyan ng isang pampasaherong bus at nagulungan naman ng isang logistic vehicle ang ginang nang tumilapon sa bayan ng Silang sa lalawigan noong Lunes ng gabi.

Kinilala ang mga biktimang sina Joward Landoy y Magsino, 28, construction worker, driver ng tricycle, at mga pasahero nito na kinabibilangan ng kanyang live-in partner na si Brendalin Bagguilan y Caronna, 31, at tatlo nilang mga anak na may edad 4, 2, at 1 taon.

Si Brendalin ay isinugod sa Estrella Hospital subalit idineklarang dead on arrival habang sa Tagaytay Medical Center isinugod si Joward at kanilang mga anak.
Kinilala naman ang driver ng DLTB Co. bus na may plakang ABG 2848, na si Diosdado Cotoner y Sanchez, 49, at ang driver ng logistic vehicle na si Carlo Jay-Rhon Paraisa Balajadia.

Ayon sa ulat, dakong alas-7:20 ng gabi, sakay ang mga biktima sa isang tricycle nang banggain ito sa likuran ng bus dahilan upang tumilapon sa opposite direction gayundin ang mga pasahero nito.

Minalas namang nagulungan ng logistic vehicle ang biktimang si Brendalyn na ikinamatay nito.

(SIGFRED ADSUARA)

41

Related posts

Leave a Comment