Forward Negosyo sa Montalban TULONG PANGKABUHAYAN NI REP. NOGRALES PATULOY

MULING namahagi ng tulong pangkabuhayan si Rizal, 4th District Representative Fidel Nograles sa kanyang nasasakupan sa bayan ng Montalban.

Ayon sa mambabatas, laganap pa rin ang kawalan ng trabaho at kabuhayan kaya patuloy niyang isinusulong na mabigyan ng paraang kumita ang kanyang mga kababayan.

Layunin ng programa ni Nograles na mabigyan ng puhunan ang benepisyaryo na kapus-palad upang makapagsimula ito ng maliit na negosyo. Sa ganitong paraan aniya ay unti-unti niyang matutulungan na umangat ang kabuhayan ng mga taga-Montalban gayundin sa pagbangon ng ekonomiya.

Muling namahagi si Nograles ng Forward Negosyo Food Cart na may kasamang bisikleta, mga kagamitang panluto, mga hilaw na karne at gulay, at sari-saring kasangkapan at rekados bilang panimula ng food business.

Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga PWD, senior citizens, solo parents, at kababaihan na nawalan ng kabuhayan at trabaho.

Hiling lang ng mambabatas, pagsikapan ng benepisyaryo na mapalago ang kanyang ibinigay na panimulang puhunan.

Asahan din aniya na walang sawa siyang tutulong at susuporta sa pagbibigay ng dagdag na pagkakakitaan sa kanyang mga nasasakupan.

Kasabay nito, sinabi ni Nograles na tuloy-tuloy rin ang kanyang “Tulong Pinansyal sa Montalban” katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Nabatid na mahigit 1,000 kapus-palad na senior citizens, PWD, kababaihan, kabataang mag-aaral, at mga nawalan ng kabuhayan ang nakinabang na sa programa niyang financial assistance, medical assistance, burial assistance, educational assistance, at livelihood assistance.

(JOEL O. AMONGO)

397

Related posts

Leave a Comment