HENERAL NA PULIS, KERNEL KULONG SA KAMARA

PINA-CONTEMPT ang isang Police Brigadier General at Colonel sa Mababang Kapulungan ng Kongreso matapos mapikon ang mga kongresista sa kanila umanong pagsisinungaling.

Sa pagdinig ng House committee on public order and safety na pinamumunuan ni Sta. Rosa Laguna Rep. Dan Fernandez, 30 araw na pagkakulong sa Batasan Pambansa ang ipinataw kina Police Brig. Gen. Roderick Mariano ng Southern Police District (SPD) at Police Col. Charlie Cabradilla.

Ito ay kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon ng komite sa reklamo laban sa mga pulis na nakatalaga sa SPD-Detective and Special Operations Unit (DSOU) na dumukot umano sa apat na Chinese national sa Parañaque noong Setyembre 2023 at tinaniman ng ebidensya.

Si Mariano, dating director ng SPD habang comptroller nito si Cabardilla ay pina-contempt ni House deputy majority leader Rep. Erwin Tulfo dahil umano sa pagsisinungaling hinggil sa operasyon ng kanyang mga tao.

“General Mariano, I think you are a disgrace to the Philippine National Police, especially to the officers corps, especially to the high ranking officers of what you did. Obvious na obvious po na nagsisinungaling ka. Obvious na obvious po na (may) pinagtatakpan ka,” ani Tulfo.

Sinabi ni Tulfo na mistulang binabastos ni Mariano ang komite na ginisa sa P27 million na kinuha umano sa mga Chinese national subalit P4.6 million lamang ang idineklara ng kanyang mga tauhan.

Agad namang sinegundahan ng mga miyembro ng komite ang mosyon ni Tulfo kaya ikinulong ang dalawang opisyal sa Kamara. Makakasama ng mga ito ang 6 dating opisyales ng SPD na unang na-contempt na sina PLt. Col. Jolet T. Guevarra, PMaj Jason D. Quijana, PMaj John Patrik Magsalos, PSSgts. Roy G. Pioquinto at Mark J. Democrito,Danilo L. Desder dahil din sa pagsisinungaling.

Ang unang 15 araw na pagkakakulong ng unang anim na opisyal ay pinadagdagan ni Tulfo ng panibagong 15 araw.

(BERNARD TAGUINOD)

147

Related posts

Leave a Comment