HERBOSA MAGIGISA SA CA DAHIL SA IT SA DOH!

INAASAHANG muling gigisahin ng makapangyarihang Commission on Appointment (CA) si Health Secretary Ted Herbosa na isasalang ngayong Martes ng umaga, Disyembre 5.

Si Herbosa ay nauna nang na-bypassed ng CA noong nakalipas na Setyembre dahil sa kabi-kabilang isyu ng anomalya noong nanunungkulan pa ito bilang undersecretary ng DOH.

Sa pagkakataong ito, panibagong isyu ang bumabalot ngayon sa liderato ni Herbosa matapos lumabas ang ulat na plano nitong kopoin ang buong IT provider ng DOH, gayundin ang mga attached agencies nito.

Ang ipapalit na IT ni Herbosa, ayon sa report, ay ang Philippine Payments and Clearing System (PhilPaCS) kung saan chief executive officer ang kamag-anak nitong si Edgardo Herbosa.

Ang isyung ito ay malinaw na ‘conflict of interest’ at posibleng maging ugat uli ng korapsiyon, ayon sa mga kritiko ni Herbosa.

Ang PhilPaCS ay may kakayahang magbigay serbisyo patungkol sa electronic payment portal at iba pang online payment na may kinalaman sa aspeto ng permits, lisensiya at pananalapi.

Nauna nang naglabas ng pahayag ang Alliance of Health Workers (AHW) hinggil sa appointment ni Herbosa na umano’y hindi karapat-dapat pamunuan ang DOH.

Inakusahan nila si Herbosa bilang ‘notorious red tagger,’ at tagapagsulong sa DOH ng mga anti-health worker at ‘anti-poor policies.’ Isa na rito ang plano nitong pag-privitize sa National Orthopedic Hospital at Fabella Memorial Hospital na tiyak pabigat sa mga pasyente at pamilya ng mga naturang pagamutan.

Pinatawan din ng Office of the Ombudsman ng ‘perpetual disqualification from holding public office’ si Herbosa kaugnay naman sa P392 million hospital modernization project.

Sinasabing ‘unpopular’ sa mga taga-DOH si Herbosa.

Ang padrino umano nito ay si Speaker Martin Romualdez na mahigpit na kalaban ngayon ni Vice-President Sara Duterte.

Magka-brod sina Romualdez at Herbosa sa Upsilon Sigma Phi fraternity.

111

Related posts

Leave a Comment