KINUMPIRMA ng Commission on Election (COMELEC) na ililipat ng lugar ang ilang voting centers sa Negros Oriental para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa susunod na buwan.
Ayon kay Lawyer Eliseo Labaria, acting provincial election supervisor ng Negros Oriental, una nang inaprubahan ng Comelec Central Office ang paglilipat sa iba’t ibang kadahilanan.
Gayunman, hindi agad nabanggit ni Labaria kung ilang voting centers ang maaapektuhan ng paglilipat.
“Some voting centers had to be transferred for varied reasons, such as lack of space due to an increase in registered voters or for public safety, such as having been damaged by a storm,” saad ni Labaria.
Inihalimbawa ni Labaria ang voting center sa Tamao Elementary School sa Barangay Tamao, Jimalalud, na inilipat sa Cabang Elementary School sa Barangay Cabang ng parehong bayan.
Pagtitiyak ng opisyal, ipapaalam sa mga rehistradong botante sa mga apektadong lugar, ang naturang hakbang para madali nilang mahanap ang kanilang nakatalagang bagong voting centers.
Ipinaalam na rin sa mga opisyal ng barangay ang nasabing paglilipat.
Samantala, iaanunsyo ni Comelec chairman George Erwin Garcia na sa Sabado ang huling petsa ng pagpapatupad ng BSKE sa Negros Oriental.
Nakatakda namang bumisita si Garcia sa Negros Oriental para sa coordinating conference kasama ang Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Coast Guard at iba pang line agencies para sa paghahanda sa BSKE, ayon kay lawyer Lionel Marco Castillano, Comelec Region 7 director.
(RENE CRISOSTOMO)
266