JEEP GALING OUTING SUMALPOK; 2 PATAY, 22 SUGATAN

BATANGAS – Patay ang driver at isa pang sakay habang 22 pa ang sugatan nang ang sinasakyan nilang jeep ay sumalpok sa isang puno sa Barangay Malabrigo, sa bayan ng Lobo sa lalawigan noong Sabado ng hapon.

Ayon sa report ng Lobo, Batangas Police, galing sa outing sa isang beach resort sa nasabing barangay ang mga biktima at pauwi nang mangyari ang insidente sa barangay road mag-aalas-5:00 ng hapon.

Lumulusong sa kurbadang bahagi ng daan ang jeep nang mawalan dito ng kontrol ang nagmamanehong si Alberto Urriza.

Nagpagewang-gewang ang jeep hanggang sa bumangga ito sa road barricade bago sumalpok sa isang puno sa gilid ng kalsada.

Grabeng nasugatan at napinsala ang lahat ng mga sakay na agad isinugod sa Lobo District Hospital subalit idineklarang dead on arrival ang 54-anyos na driver na si Urizza at ang isang babaeng sakay ng jeep na si Virgin Migo, 52-anyos, taga Barangay San Pablo, Sto. Tomas, Batangas.

Nilalapatan naman ng lunas ang 22 iba pang mga sakay na matindi ring nasugatan sa insidente.

(NILOU DEL CARMEN)

38

Related posts

Leave a Comment