KONTRIBUSYON NI SEC. OPLE KINILALA SA ARAW NG MGA BAYANI

KINILALA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kahapon sa pagdiriwang ng National Heroes Day ang marangal at napakagandang kontribusyon ng namayapang si dating Migrant Workers Secretary Susan “Toots” Ople sa pagpo-promote ng kapakanan ng overseas Filipino workers (OFWs).

Kasabay ito ng tribute ni Pangulong Marcos sa “unsung heroes” na walang kapaguran na itinuon ang kanilang buhay sa public service.

Sa talumpati ng Pangulo sa commemorative ceremony sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City, Lunes ng umaga, sinabi ni Pangulong Marcos na isang “perfect example” si Secretary Ople bilang isang “tunay na bayani” dahil inilaan nito ang kanyang buhay na i-promote ang kapakanan ng mga OFWs.

Nawalan aniya ng isang “migrant workers champion” ang Pilipinas sa pagpanaw ni Sec. Ople.

Pinangunahan ni Marcos Jr., ang pribadong necrological service para sa Kalihim sa Kalayaan Hall ng Palasyo ng Malakanyang, nito ring Lunes ng umaga.

“Napaka-malaki ang nawala sa akin, sa inyong lahat, at sa bansang Pilipinas.

And if I do shed a tear, it is because it is such a sad day to know – it is such a sad – a bit of knowledge to know that Toots will not be here anymore and what a big gap she will leave not only to our friends, not only to our family but to the millions of those who she took care of, who she loved, and who she worked for tirelessly and endlessly,” ayon kay Pangulong Marcos na naging emosyonal sa nasabing necrological service.

“Hanggang sa huli nagtatrabaho pa rin siya. Ngunit sinasabi ko nga hindi kasi – dahil tuloy-tuloy ‘yan, dahil hindi trabaho sa kanya ‘yan. Ang ginagawa niya na tumutulong sa ating mga OFW, ang ginagawa niya talaga ay isinabuhay niya talaga ang pagmamahal ng kapwa Pilipino lalong-lalo na ang mga nangangailangan ng tulong,” dagdag na wika nito.

Inamin ng Pangulo na may ilang gabi na hindi siya makatulog dahil iniisip niya kung sino ang ipapalit kay Ople bilang Kalihim ng DMW.

Aniya, masyadong mahirap na makahanap ng bagong DMW chief na dedikado sa kanyang trabaho katulad ni Toots Ople.

Hindi man aniya siya makahanap ng kapalit ni Toots Ople na de-kalibre na gaya ng pumanaw na Kalihim subalit kailangan naman na ituloy ang trabaho sa DMW upang masiguro ang kapakanan ng milyong overseas Filipino workers (OFWs), at mapagtanto ang mga pananaw ni Ople para sa bagong departamento.

“Maghanap tayo ng kasing-galing niya pero huwag na tayong umasa na mapalitan si Toots, na mag-substitute na magkakaroon ulit tayo ng Toots na ilalagay ulit natin, bibigyan natin ulit ng pagkakataon na magtrabaho,” giit ng Pangulo.

“Bigyan natin ulit ng pagkakataon na makatulong sa kanyang kapwa Pilipino,” dagdag na wika nito.

Ang kanya aniyang pakikipagkaibigan kay Ople ay nagsimula noong siya ay senador, kung saan nagtatrabaho na aniya sa kanya si Toots Ople, may kinalaman sa kapakanan ng mga OFW.

Bukod dito, si Toots Ople aniya ay mayroong “extraordinary sense of professionalism.”

Pumanaw si Ople noong Martes, Agosto 22 sa edad na 61 matapos makipaglaban sa sakit na cancer.

(CHRISTIAN DALE)

479

Related posts

Leave a Comment