LALAKI BINARETA SA ULO NI KUYA

CAVITE – Agad nalagutan ng hininga ang isang 45-anyos na lalaki matapos pukpukin ng bareta sa ulo ng nakatatanda nitong kapatid dahil sa awayan sa lupa sa bayan ng Alfonso sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng hapon.

Namatay sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si alyas “Lolito” dahil sa sugat sa ulo mula sa baretang ginamit ng nakatatanda nitong kapatid na si alyas “Abet”, 50, kapwa residente ng Brgy. Mangas 2, Alfonso, Cavite.

Ayon sa ulat, dakong alas-4:40 ng hapon nang mangyari ang insidente sa Brgy. Mangas 2, Alfonso, Cavite kung saan nag-iinuman ang magkapatid.

Sa kalagitnaan ng kanilang inuman, nauwi ang kanilang usapan hinggil sa pinag-aagawang lupa na humantong sa mainitang pagtatalo ng magkapatid hanggang sa nakakita ng bareta ang nakatatanda at pinukpok sa ulo ng biktima.

Naaresto naman ang suspek ng mga operatiba ng Alfonso Police na nagresponde sa lugar.

(SIGFRED ADSUARA)

172

Related posts

Leave a Comment