Meeting ni LAM sa Smartmatic president binuking ni Atty. Chong ‘SMARTMAGIC’ SA 2022 POLLS

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

LALONG lumakas ang panawagan na imbestigahan ang May 9, 2022 elections dahil sa panibagong impormasyon na isiniwalat ni Atty. Glenn Chong, dating kinatawan ng Biliran sa Kongreso, na nagpapahiwatig ng iregularidad.

Ilang linggo umano bago ang May 9, 2022 elections ay nakipagkita si First Lady Liza Araneta Marcos (LAM) kay Smartmatic President Roger Piñate.

Sa isang press conference noong Miyerkoles (Setyembre 13), inakusahan ni Chong ang Smartmatic ng paglabag sa kontrata sa Commission on Elections (Comelec) sa pamamagitan ng umano’y pakikipagkita sa isang kinatawan ng presidential candidate.

Sinabi ni Chong na batid niya ang pakikipagkita ni Marcos kay Piñate dahil nagtrabaho siya bilang adviser para sa presidential campaign ni Ferdinand Marcos Jr. simula noong Oktubre 2021.

Isang araw aniya noong Marso 2022, tinawagan siya ni FL Liza at ang abogado na sina Ivan Uy at Hubert Guevara para sa pagpupulong.

Ngunit sa araw ng pulong ay hindi umano siya isinama dahil galit sa kanya si Piñate.

Si Uy ay kasalukuyang Secretary ng Department of Information and Communications Technology (DICT) habang si Guevara ay Senior Deputy Executive Secretary.

“By itself, meron siyang (Mrs. Marcos) plausible deniability. Ang plausible deniability niya is hindi naman nangyari [yung meeting]. Ang sagot ko doon, may subsequent events na nangyari to support the idea na nag-usap kayo [ni Piñate],” pahayag ni Chong.

Aniya, mayroong ebidensya na si Piñate ay nasa Pilipinas mula Abril 19 hanggang 23, 2022, at Mayo 3 hanggang 18, 2022.

Dagdag pa ni Chong, nagtaka siya na mayroon agad isinagawang victory party sa campaign headquarters ni Marcos sa EDSA, dalawang oras makaraang isara ang botohan noong Mayo 9, 2022.

Aniya, ang timing ng pagdiriwang ay kasabay ng umano’y rapid counting ng mga boto, kung saan 37 porsyento nito ay na-tally sa loob ng unang oras makaraang isara ang mga presinto.

Sa quick count ng mga balota noong Election Day ay inilabas na si Marcos Jr. ay mayroong substantial lead sa kanyang mga karibal. Siya ay iprinoklama bilang pangulo sa botong mahigit sa 31 million.

Sinabi ni Chong na ang Smartmatic ay hindi na dapat pang makisangkot sa 2025 midterm polls at sa susunod pang mga halalan sa Pilipinas.

Ang Smartmatic, election technology provider, ay ilang beses nang inakusahan ni Chong ng pagkakasangkot sa mga anomalya mula pa nang ito ay makipag-partner sa Comelec noong 2010, ang taon ng unang automated elections sa Pilipinas.

Matatandaan na una nang hiniling ng Global Transparency and Transformation Advocates Network (GTTAN), sa magkakahiwalay na sulat na ipinadala sa Senado, House of Representatives, at sa Department of Justice na imbestigahan ang mga alegasyon ng malawakang pandaraya sa 2002 elections, bunsod ng pagkakadiskubre sa clandestine Private Network na natuklasang pinagmumulan ng lahat ng local at overseas 2022 national election return transmissions na ipinadala sa Transparency Server ng Comelec.

“It (the discovery) points to a systematic world-wide manipulation of the May 9, 2022 electoral results,” pahayag ng GTTAN, na nanawagan kina Sen. Francis Tolentino, chairman ng Senate Blue Ribbon and Public Accountability and Justice Committees, Rep. Florida Robes, chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability, at Justice Secretary Jose Remulla, na agad magsagawa ng imbestigasyon upang masiguro sa mamamayan na ang kanilang sagradong karapatan ay mapoprotektahan at lahat ng paraan ay maisasagawa upang maibalik ang kanilang tiwala sa mga halalan.

Ayon sa grupo, nabunyag ang iregularidad makaraang analisahin ni Ret. Brig. Gen. Eliseo Rio Jr. ang “raw files” na ini-post sa website ng Comelec ng mga indibidwal na maaaring virtual whistleblowers.

395

Related posts

Leave a Comment