Mga apektado ng PUV modernization nganga PANGAKONG TRABAHO NG DOTr DRAWING – SOLON

PANGAKO lamang o ‘drawing’ ang tulong na ibinida Department of Transportation (DOTr) sa mga driver at operator na mawawalan ng hanapbuhay sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Pahayag ito ni Bulacan Rep. Tina Pancho sa pagdinig ng House committee on transportation kaugnay ng PUVMP na iniimbestigahan dahil hindi nareresolba ang problema ng operators at drivers at pinagdudahang batbat ng katiwalian.

Ayon sa mambabatas, mismong ang Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) ang nagsabi na hindi nila kayang bigyan ng trabaho o hanapbuhay ang mga driver at operators na maaapektuhan dahil sa dami ng mga ito.

“Kasi natanong natin si Chairman Ortega nabanggit po niya na sa livelihood program ng TESDA, sa dami po ng may problemang drivers at operators, inamin po niya hindi kakayanin. Siguro kung tatanungin natin ang TESDA at DOLE na partner natin sa pagbibigay ng pangkabuhayan sa mga drivers at operators ganun din ang sasabihin nila,” ani Pancho.

“Kasi po drawing lang ang sinasabi niyong kakayanin eh. Pero sa totoo lang po hindi kaya ng DOLE, hindi kaya ng TESDA. So ang problema natin ng unemployment ‘yun ang lalaki po dahil mawawalan ng trabaho eh,” dagdag pa nito.

Tinatayang aabot umano sa 200,000 drivers at operators ang mawawalan ng hanapbuhay kapag hindi inatras ng DOTr at Land Transportation and Regulatory Board (LTFRB) ang nasabing programa.

Samantala, sinabi naman ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel na patuloy na binabalewala ng DOTr at LTFRB ang problema ng drivers at operators dahil hindi inaaksyunan ang kanilang hinaing mula pa noong ilunsad ang programang ito.

“Kailangan po mas makinig ng LTFRB at DOTr. Kasi parang di po napakinggan ang maraming naibabahagi na mga problema na nangyayari sa mga cooperative. Maraming cooperative sumulpot, undemocratic, parang coop na na-co-opt at sumulpot para sa benefit ng mga negosyo,” ayon sa mambabatas.

Ang pangako aniya na giginhawa at magmo-modernize ang transportation ay konsumisyon pa ang nakuha ng iba’t ibang sektor dahil bukod sa mawawalan ng trabaho ang mga driver at operators ay tataas din ang pamasahe na makaaapekto naman sa mga ordinaryong manggagawa.

(BERNARD TAGUINOD)

125

Related posts

Leave a Comment