MGA KASO LABAN SA MAG-ASAWANG ARTEMIO AT PHEBIE DY IBINASURA NG KORTE

IBINASURA ng korte ang inihaing reklamo ng isang Mario Marcos laban sa mag-asawang negosyante dahil sa kawalan ng basehan.

Sa resolusyon ng Office of the City Prosecutor ng Makati City, hindi napatunayan ni Marcos ang isinampang kaso na theft at qualified theft laban sa mag-asawang Artemio at Phebie Dy.

Nabigo umano si Marcos na patunayan na sa kanya ang titulo ng ari-arian at totoong mamahaling bato ang ibinigay niyang kolateral sa mag-asawang Dy para siya makautang ng P12 milyon.

Sinabi pa ng korte na boluntaryo ang pagdadala ng titulo ng lupa at precious stone sa opisina ng mag-asawang Dy.

Hindi rin umano sumipot si Marcos sa mga pagdinig ng korte mula Oct. 17 hanggang 24.

Masaya ang mag-asawang Dy sa kinahinatnan ng kaso dahil maaari na silang magsampa ngayon ng kaso laban sa pang-i-scam umano ni Marcos ng halagang P12 milyon sa kanila.

Tingin ng mag-asawa, nagdemanda si Marcos para maantala ang pagsasampa nila ng kaso rito.

Noong April 23, taong ito, nakilala ng mag-asawang Dy ang isang Mario Marcos na nagpakilalang negosyante at kamag-anak ng presidente.

May-ari umano ito ng Smart City Technology. Nang makuha nito ang loob ng mag-asawang Dy ay inutangan niya ang mga ito ng halagang P6 milyon para umano sa isang business summit.

Bilang kapalit, nagbigay ng post dated cheque si Marcos ngunit wala naman itong pondo nang araw na idedeposito na sana ng mag-asawa.

Kasunod nito, muling nangutang si Marcos ng P6 milyon na ang ginamit na kolateral ay precious stone at titulo ng condo unit sa Quezon City.

Nang malaman ng mag-asawa na peke ang mga kolateral ni Marcos ay nakipag-ugnayan sila sa Presidential Anti-Organized Crime Commission.

Nilinaw ng PAOCC na hindi pinsan ni Pangulong Ferdinand Marcos si Mario Marcos. Marami na rin umano itong kaso ng estafa at nakalaya lamang dahil sa piyansa.

(DANNY BACOLOD)

217

Related posts

Leave a Comment