MMDA TRAFFIC ENFORCER TIMBOG SA SEXTORTION

ARESTADO ng mga operatiba ng Manila District Anti- Cybercrime Team ng Manila Police District, kasama ang ilang tauhan ng Northern District Anti-Cybercrime Team, ang isang 28-anyos na traffic enforcer ng Metro Manila Development Authority (MMDA) makaraang ireklamo ng ‘sextortion’ ng isang 21-anyos na estudyante, sa inilatag na entrapment operation sa lungsod ng Caloocan noong Linggo ng hapon.

Kinilala ang suspek na si Ronnie Javier Jr. y Cruz, binata, ng Panghulo, Obando, Bulacan.

Ayon sa ulat ni P/Major Reynaldo T. Salim, team leader ng MDACT , nagtungo sa kanilang tanggapan ang estudyanteng itinago sa pangalang “Selya”, 21-anyos, residente ng Sampaloc, Manila, upang ireklamo ang isang lalaki na nagpupumilit na makipagkita sa kanya.

Nagbanta umano ang suspek na kung hindi siya makikipagkita ay ipo-post nito sa social media ang kanyang hubad na mga larawan.

Matapos, idokumento ang salaysay ng dalaga, nakipag-ugnayan si Major Salim kay P/Major Arvin Creencia ng Northern District Anti-Cybercrime Team upang ilatag ang entrapment operation.

Bandang alas-3:20 ng hapon, isinagawa ang entrapment operation sa isang lugar malapit sa Bonifacio Monument Circle sa EDSA sa lungsod ng Caloocan na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag  sa Article  286 (Grave Coercion) ng Revised Penal Code, at Republic Act 9995 (Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009) na parehong may relasyon sa Sec. 6 ng RA 10175 o mas kilala bilang Cybercrime Prevention Act of 2012. (RENE CRISOSTOMO)

8

Related posts

Leave a Comment