MURANG BIGAS, PETROLYO HIRIT NG MILITANTENG GRUPO

MAKARAANG ipaalala kay Pangulong Ferdinand ” Bongbong” Romualdez Marcos Jr. ng grupong Socialista, ang pangakong nitong pabababain ng hanggang P20.00 ang kilo ng bigas, at ang tumataas na presyo ng langis at kuryente, ay payapang nilisan ng mga raliyista ang Chino Roces Bridge na dating Mendiola, sa Legarda St., Sta. Mesa Manila, Lunes ng umaga.

Ayon sa grupo na pinamunuan ni Ding Villasin, secretary general, isa sa naging pangako ng bagong pangulo ng Republika ng Pilipinas ay mapababa ang presyo ng bigas at ibaba rin ang bayarin sa kuryente at pigilan ang pagsirit ng presyo ng gasolina at krudo.

Kabilang din sa panawagan na i-subsidize ang gasolina para hindi todong maapektuhan ang mamamayan  mula sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigan na bunsod ng giyera ng Russia  at Ukraine.

Nagmartsa ang mga raliyista patungong Mendiola suot ang sako ng bigas at sash na P20 bilang pagpapakita ng kanilang panawagan na maibsan ang pasanin ng mamamayan.

Hiling ng grupo sa mga kamanggagawa na dapat magbantay at maging mapanuri sa mga kaganapan sa bansa.

“Walang ibang uri ang tunay na magkakalinga sa ating interest kundi tayong uri ng manggagawa,” sigaw pa ng grupo.

Nagsimula ang protesta bandang alas-10:00 ng umaga at tumagal lamang ng 30 minuto bago mapayapang nilisan ng grupo ang lugar, habang nakabarikada ang mga tauhan ng District Mobile Force Battalion (DMFB) ng Manila Police District. (RENE CRISOSTOMO)

109

Related posts

Leave a Comment