NAGDIWANG NG EASTER SUNDAY, NALUNOD

QUEZON – Nauwi sa trahedya ang selebrasyon ng Easter Sunday ng magkakaibigang magkakabarangay nang malunod ang isang babaeng kasama nila sa picnic, na inakala nilang naiwan lamang sa ilog nang mag-uwian sila, sa Brgy. Apasan, sa bayan ng Sampaloc sa lalawigan.

Kinilala ang biktimang si Ronalyn Orsua Flores, 39 anyos, residente ng Barangay Bataan.

Ayon sa report, nagtungo sa Maapon river ang grupo ng biktima noong Linggo ng tanghali at nag-inuman habang nagsu-swimming bilang bahagi ng pagsalubong sa Linggo ng pagkabuhay.

Nang mag-uwian na dakong alas-5:00 ng hapon, noon lamang napansin ng asawa nito na wala ang biktima.

Nang walang makapagsabi kung nasaan ang babae, binalikan nila ito sa ilog dakong alas-10:00 ng gabi kasama ang barangay officials at mga tauhan ng MDRRMO, subalit hindi rin ito natagpuan.

Kinabukasan ay nakita ng isang magsasaka ang walang buhay na biktima habang nakalutang sa bahagi ng ilog, isang kilometro ang layo sa lugar ng pinag-outingan ng grupo.

Dinala ito ng search and rescue team sa Quezon Provincial Hospital Network-Sampaloc upang masuri at kinumpirma ng doktor na walang nangyaring foul play at pagkalunod ang ikinamatay ng biktima.

(NILOU DEL CARMEN)

29

Related posts

Leave a Comment