KINILALA ng Cavite Police ng ginawang ‘good deeds’ ng isang pulis makaraang personal na isauli sa may-ari ang perang napulot sa gitna ng kalsada sa Trece Martires City noong Miyerkoles ng hapon.
Personal na isinauli ni Police Captain Sonny Delos Santos ng Trece Martires City Police, at nakatalaga sa Philippine Commission Office, ang nasabing halaga kay alyas “Alvin”, 48, may-ari ng canteen at comptroller ng isang bus company.
Una rito, nagsasagawa ng inspeksyon si Delos Santos sa mga checkpoint nang mapansin nito ang tila isang bungkos na nakalagay sa isang plastic sa gitna ng kalsada sa Brgy. Inocencio, Trece Martires City.
Nang kanyang pulutin ay natuklasan niyang ito ay isang bungkos ng pera.
Agad siyang nagtungo sa pinakamalapit ng Police Community Precinct (PCP) sa lugar at tinanong kung may Closed Circuit Television (CCTV ) at napanood nito sa screen ang isang lalaki na sakay ng isang motorsiklo at pabalik-palik sa lugar na tila may hinahanap.
Bumalik si Delos Santos sa lugar at itinanong kung ano ang hinahanap ng lalaki sa lugar.
Ayon kay Alvin, hinahanap nito ang kanyang pera na nagkakahalaga ng P8,550 na pinaniniwalaang nahulog sa kalsada matapos na dumaan sa isang checkpoint.
At nang maberika at masiguro ni Delos Santos na si Alvin ang may-ari ng pera ay isa-isang binilang nito ang pera sa kanyang harapan at isinauli. Ipinagpasalamat naman ni Alvin ang kabutihang ginawa ng pulis
Sinabi naman ni Cavite Provincial Director Officer in-charge Police Colonel Eleuterio M. Ricardo Jr., kikilalanin ang ginawang ‘good deeds’ ni Delos Santos sa pamamagitan ng pagbibigay ng ‘commendation’ sa gaganaping flag raising ceremony sa Lunes sa Camp Gen. Pantaleon Garcia at sa mismong Trece Martires City Police Station.
(SIGFRED ADSUARA)
220