‘NEW MODEL’ PHONE CALL, ‘DI PAPATULAN NG AFP

WALA umanong balak na patulan pa ng Armed Forces of the Philippines ang panibagong kwento na inilabas China kaugnay sa ‘new model agreement’ na pinalulutang kamakailan ng Chinese Embassy kaugnay sa sigalot sa Ayungin shoal.

Ito ang naging tugon ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. kasunod ng naging pahayag ng Chinese Embassy in Manila, na maglalabas ito ng recording ng umano’y phone call conversation sa pagitan ng isang Chinese diplomat at ng AFP Western Command na nasa pamumuno Navy Vice Admiral Alberto Carlos, na naghain ng leave kamakailan dahil umano sa personal na kadahilanan

Ayon kay Gen. Brawner, ang hakbang na ito ng Chinese Embassy in Manila ay hindi makabuluhan at pagtatangka ng masamang pang-iimpluwensya ng Chinese Communist Party.

Hindi rin umano interesado si Gen. Brawner sa pahayag ng Chinese Embassy na handa silang ilabas ang transcript o recorded conversation sa pagitan ng isang fluently English-speaking Chinese diplomats at ranking officer ng AFP WESCOM.

Sa inilabas na pahayag ng AFP, madali umanong ma-fabricate ang mga transcript, habang maaari rin aniyang mapeke at mamanipula ang audio recordings sa pamamagitan ng Artificial Intelligence o deep fake. “Transcripts can easily be fabricated, and audio recordings can be manufactured by using deep fakes,” ani Brawner

Kaugnay nito, sinabi rin ni Gen. Brawner, layunin lamang ng aksyon na ito ng China na ilihis ang atensyon ng lahat mula sa ginagawang mga agresibong aksyon ng kanilang China Coast Guard laban sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Gayunpaman, tiniyak naman nito na nananatiling tapat at propesyunal na organisasyon ang buong hanay ng AFP sa pagtupad ng kanilang tungkulin at paglilingkod sa bansa at sa taumbayan.

Kaugnay pa nito, hinimok ni Gen. Brawner ang publiko, higit sa lahat ang media, na iwasan ang pagpapakalat ng anomang uri ng hindi beripikadong mga impormasyon na maaaring magdulot ng misleading na public opinion, gayundin ng mas malalang tensyon na kinahaharap ngayon ng Pilipinas.

Kung maaalala, una nang kinuwestiyon ni Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang ‘authenticity’ ng pinalalabas na ito ng China, habang binigyang-diin niya na kung sakaling totoo man ang mga ito, ay malaking paglabag aniya ito sa batas ng ating bansa at maging sa umiiral na international law.

“We urge the public and the media to handle such reports with care and to avoid spreading unverified information that could further escalate tensions or mislead public opinion,” panawagan pa ng opisyal.

Samantala , hindi pa naglalabas ng pahayag o kanyang kumpirmasyon si on-leave WESCOM Commander VAdm Carlos kung may nakausap nga ba na opisyal nila ang sinasabing Chinese diplomats dahil nasabay sa paglabas ng isyu ang paghahain nito ng ‘official leave of absence due to personal reason’.

(JESSE KABEL RUIZ)

109

Related posts

Leave a Comment