P2-M para sa degree ng dayuhan DIPLOMA FOR SALE SA CAGAYAN

(DANG SAMSON-GARCIA)

HINILING ni Senador Sherwin Gatchalian sa Commission on Higher Education (CHED) na magsagawa ng imbestigasyon sa ulat kaugnay sa pagdagsa ng foreign students sa Cagayan.

Sa ulat, nagbabayad din umano ang mga dayuhang estudyante ng hanggang P2 milyon para magkaroon ng degree.

Sinabi ni Gatchalian na bagama’t sinusuportahan niya ang internationalization ng ating higher education institutions, mahigpit naman niyang tinututulan ang posibleng pagkalat ng diploma mill sa ating bansa.

Binigyang-diin ng senador na ang pagbebenta ng diploma o ng degree ay kontra sa pagsisikap ng gobyerno na maiangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Inirekomenda pa ng mambabatas sa CHED na magpatupad ng parusa sa mga HEI at kanilang mga opisyal na kumukunsinti sa ganitong mga aktibidad.

Kailangan anyang maging malinaw ang mensahe ng ating bansa sa buong mundo na ang mga diploma mula sa Higher Education Institutions sa bansa ay hindi ipinagbibili.

Una nang inihayag ng isang UP professor na may mga impormasyon silang natanggap na dagsa ang mga Chinese student sa Cagayan na nagbabayad ng hanggang P2 milyon para makakuha ng degree kahit hindi naman sila pumapasok sa unibersidad.

51

Related posts

Leave a Comment