P264K MARIJUANA, NASAMSAM SA 4 HVIs

CAVITE – Nasamsam ang tinatayang 2,200 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana sa isinagawang buy-bust operation at nagresulta sa pagkakaaresto sa apat na nasa listahan ng High Value Individuals (HVI) ng pulisya, sa Dasmariñas City noong Martes ng hapon.

Kinilala ang mga naaresto na sina Jayson Trilles y Supatua, Rayven Sarmiento y Benosa, Mark Glen Rabino y Cuarte at Noel Niegad y Ordonez, pawang nasa hustong edad, ng Brgy. Paliparan 3, Dasmariñas City.

Ayon sa ulat, dakong alas- 5:10 ng hapon nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), Cavite Police Provincial Office (PPO) at Dasmariñas City Police sa Brgy. Paliparan 3, Dasmariñas City na nagresulta sa pagkakaaresto sa apat na nasa listahan ng HVIs.

Nakumpiska sa mga suspek ang isang plastic wrap brick na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana, buy-bust money, dalawang android cellphone, backpack at tinatayang 2,200 gramo ng pinatuyong dahon at stem ng marijuana na nagkakahalaga ng P264,000.

Ang naarestong mga suspek ay nasa kustodiya ng Dasmarinas CPS.

(SIGFRED ADSUARA)

272

Related posts

Leave a Comment