PATULOY ang imbestigasyon at pagtutok ng mga pulis sa ilang ‘persons of interest’ na posibleng may kinalaman sa nangyaring ‘New Year’s Day heist’ kung saan hindi bababa sa P40 milyong halaga ng mga alahas at salapi ang natangay matapos looban ang tindahan ng mga alahas sa loob ng isang mall sa Ozamiz City, Misamis Occidental.
Sa inisyal na impormasyon ng Ozamiz City Police planado ang pagnanakaw sa Gaisano Mall sa Purok 3, Barangay Baybay, Sta. Cruz.
Nadiskubre ang insidente bandang alas-11:00 ng tanghali noong Bagong Taon, kung saan sangkot umano ang tatlong hindi pa kilalang mga lalaki.
Ayon sa ulat, pinasok ng mga suspek ang Oro Italia Fine Jewelry branch sa pamamagitan ng pagbutas sa sahig nito mula sa katabing food court na mula naman sa hinukay na drainage sa labas.
Bukod sa mga alahas at collections ng establisimyento, sinira rin at kinunan ng pera ng mga suspek ang isang Metrobank ATM sa tapat nito.
(JESSE KABEL RUIZ)
296