PAGBIBIGAY PROTEKSYON SA MGA TATAKBO SA BARANGAY ELECTION PINAGHAHANDAAN NG PNP

pnp

HABANG papalapit ang Barangay at Sangguniang Kabataan Election ay pinaghahandaan ng Philippine National Police ang posibilidad na pagdagsa ng hihingi ng dagdag na proteksyon sa hanay ng mga aspirante.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Police Security and Protection Group (PSPG) Director Police BGen. Antonio Yarra, nakahanda naman ang kanilang tanggapan na magkaloob ng security protection sa mga kandidato.

Subalit nilinaw ni Yarra na kailangan makapasa sila sa mga kaukulang requirement partikular sa threat assessment ng kanilang tanggapan sa mga humihiling ng dagdag na proteksyon.

Sinasabing ang pagtatalaga ng security detail mula sa PNP-PSPG ay nakadepende sa banta o threat sa buhay ng aplikante.

Kaugnay nito, napag-alaman na may dalawang barangay officials mula Batangas at Pangasinan ang kinatigan ng PSPG na mapagkalooban ng security detail matapos dumaan sa threat assessment.

Kumpirmado umanong may banta sa buhay ng dalawa kaya binigyan sila ng tig-isang security mula sa PSPG.

Habang isang barangay official naman mula sa Laguna ang may pending request mula sa PSPG na ngayon ay sumasalang pa sa threat assessment.

(JESSE KABEL RUIZ)

 

45

Related posts

Leave a Comment