Pagdurog sa CPP-NPA tuloy GIYERA KONTRA TERORISTA HINDI LULUBAYAN

ITO ay kahit pa inihayag ng gobyerno at maging ng Communist Party of the Philippine-National Democratic Front of the Philippines, na napagkasunduan na nilang wakasan ang armadong tunggalian at magsimula ng panibagong peace negotiation.

Mismong si National Security Adviser Eduardo Año ang nagsabing tuloy pa rin ang giyera kontra New People’s Army, ang armadong galamay ng CPP-NDFP, dahil wala pa namang isinasapinal na peace agreement.

Ayon kay NSC Secretary Año, ang National Task Force To End Local Communist Armed Conflict ay magpapatuloy sa kanilang mga aktibidad kabilang na ang military operations and law enforcement, paghahatid ng government services, at pagpapatupad ng development projects sa malalayong mga barangay . “So tuloy-tuloy ‘yung ano, ‘yung NTF-ELCAC, walang magbabago sa ating activities at operations.”

Paliwanag ng kalihim, base sa kanilang roadmap, may objectives na dapat na maisakatuparan, “So kumbaga tuloy-tuloy ‘yung ano, ‘yung operations ng armed forces para ma-dismantle, ma-neutralize ‘yung mga remaining weakened guerrilla fronts, mga 20 na lang ‘yan e, weakened guerrilla fronts na hindi talaga active.”

Dahil dito, sa kabila ng isinasapinal na pagbabalik sa Usapang Pangkapayapaan, mananatili pa rin ang military at police operations ng pamahalaan laban sa rebeldeng NPA, pahayag din ni Office of Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr.

Paliwanag nito, ang inisyal na mga hakbang para sa pagbabalik o pagsisimula ng bagong peace negotiation ay hindi nangangahulugang magkakaroon na kaagad ng peace talk.

Nabatid na walang plano si Sec. Año na magrekomenda ng Suspension on Military Operation ngayong panahon ng Kapaskuhan. “No, no, no, I don’t recommend SOMO, I don’t recommend any ceasefire.”

“Why do you have to recommend that e, ang alam naman natin ‘yung ginagawa ng CPP-NPA ano, particularly NPA, puro mga violent activities so meron tayong objective na hinahabol ano, ‘yung armed forces especially, so let’s give the ano, the AFP the chance and the opportunity to accomplish their ano, their objective… pahayag pa ng dating heneral ng AFP.

Magugunitang sinabi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na ang pagkakaroon ng holiday ceasefire sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng rebeldeng grupo, ay depende sa local peace and order council ng bawat LGU.

(JESSE KABEL RUIZ)

49

Related posts

Leave a Comment