PINOY NATARANTA SA PAGBAGSAK NG META

HINDI maipagkakailang bahagi na nga ng buhay hindi lamang ng mga Pilipino kundi maging ng nakararaming tao sa mundo ang social media.
Ramdam iyan nang mag-down ang operasyon ng Meta kamakalawa ng gabi.

Katunayan, nag-trending ang Facebook, Messenger at Instagram na pawang pinatatakbo ng Meta at maging ang salitang #kinabahan nang halos sabay-sabay magtanong sa X, dating Twitter ang mga nakapansin na hindi nila mabuksan ang kanilang account.

Pinatunayan din nito na hindi pa sanay gamiting ng netizens ang X dahil marami ang gumamit pa rin ng salitang Twitter patungkol sa naturang social media app.

Kabilang sa mga nangamba ang mga overseas Filipino workers na inakalang hindi na nila makaka-ugnayan ang kanilang mga mahal sa buhay dahil wala nang Meta.

Katunayan, nakatanggap ng mga reklamo ang SAKSI Ngayon, pasado alas-12 ng hatinggabi mula sa mga OFW sa Middle East habang hindi ma-access ang Facebook.

Ang FB at Messenger ang praktikal na paraang ginagamit ng OFWs sa buong mundo sa komunikasyon sa kanilang pamilya at mga kamag-anak.

Batay sa impormasyon, mahigit isang oras at kalahati na nawala ang operasyon ng Meta.

Ilang experts ang nagsabing may nangyaring “cyber attack” na hindi kailanman maaaring ganap na maalis.

Naapektuhan sa nasabing pag-atake ang operasyon ng Meta sa mga bansang United States (US), ilan bahagi ng United Kingdom (UK), China, Australia, Mexico, Kuwait, Pilipinas, at iba pa.

Dahil dito, may mga nag-alala na baka ninakaw ang kanilang personal details habang ang ilang negosyante ay natakot na maapektuhan ang kanilang files, lalo ang mga nagmamay-ari ng bangko.

Nanghihinayang din ang mga tao na kumikita sa pamamagitan ng online business at reels na mawala nang tuluyan ang kanilang hanapbuhay sa FB, IG at Messenger.

Ang kumpanya na dating nakilala bilang Facebook o FB ng Amerikanong si Mark Zuckerberg ay Meta na ngayon at nagbawas ng 13% manggagawa na katumbas ng pagkawala ng 11,000 trabaho bago pa man sumapit ang COVID-19 pandemic dahil sa pagbagsak ng ekonomiya sa buong mundo.

Subalit pagdating ng 2020, kasagsagan ng lockdown ay muling tumaas ang online activity at nagkaroon ang Meta ng one hundred million active users kada taon.

(JOEL O. AMONGO)

110

Related posts

Leave a Comment