PMP: DESTABILISASYON ALYANSANG DUTERTE-TSINA

BINATIKOS ng Partidong Manggagawang Pilipino (PMP) ang destabilization plot na umugong kamakailan mula umano sa kampo ng dating Pangulong Duterte at sinasabing kaalyado nito ang gobyerno ng Tsina batay sa natanggap nilang intelligence report.

Patuloy na kinukumpirma ng PMP, isang underground organization na itinatag noong Enero 2001 na pinamumunuan noon ng napaslang na si Felimon “Popoy” Lagman, ang natanggap nilang ulat sa ahensya para sa seguridad ng estado.

Nauna rito, ipinahayag ni National Security Adviser Eduardo Año, lumilikha ang China ng “dibisyon” sa mga Pilipino sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea.

“Kabilang sa multifaceted approach ng China ang mga information operations na partikular na dinisenyo upang lumikha ng mga dibisyon sa loob ng ating bansa, habang nagsusumikap tayong magkaisa ang mamamayang Pilipino sa ating paninindigan sa isyu ng West Philippine Sea,” saad ni Año.

Ayon kay Clara Obrero, spokesperson ng PMP, sa pagsusuri nila ay ipinapakita nito ang dagdag na dimensyon sa dati nang alitan sa loob ng dominanteng paksyong pampulitika at sa pagitan ng naggigiriang mga elitistang paskyon.

“Ito ay tunggalian ng makapangyarihang mga estado’t gobyerno sa mundo – partikular ang Estados Unidos at Tsina,” ani Obrero.

“Pinapakita nito na ang “independent foreign policy” ay hindi isusulong ng sinomang kampo ng mga elitista, na hindi magdadalawang-isip na maging ‘pawn’ kapag nahinog ang “proxy war ng Estados Unidos at Tsina. Wala itong pinag-iba sa katrayduran ng mga ilustrado noong unang pakikibaka ng anti-kolonyal sa pagbubukas ng ika-20 siglo,” dagdag pa nito.

“Dahil dito, muling napatunayan ang aral ng buhay ni Andres Bonifacio. Nasa kamay ng uring manggagawa at masang anakpawis ang independyenteng interes ng sambayanang Pilipino sa ating relasyong panlabas at ang agarang pagtugon sa iba’t ibang krisis, hindi sa kamay ng mga maka-Amerikano o maka-Tsino na elitista,” paliwanag ng PMP.

Ipinaalala ng grupo, sa bangayan ng mga elitista ay siguradong impluwesiyahan nito ang hanay ng masang mahihirap upang kumatig sa kanilang politikal na paksyon. Kailangang panatilihin ng masang Pilipino ang independiyenteng interes ng uri para sa paghahanda na maisulong ang tunay at makabuluhang mga pagbabago.

260

Related posts

Leave a Comment