PPP EXHIBIT: PINOY PHOTOGS PARA SA KAPAYAPAAN

SA gitna ng bantang destabilization plot at patuloy na armadong tunggalian sa kanayunan ay mas nararapat na bigyan ng pagkakataon ang kapayapaan.

Ito ang mensahe ng Press Photographers of the Philippines (PPP) kasama ang imbitasyon sa mga mag-aaral na dumalo sa photo exhibit na gaganapin sa Marso 25, mula 10:00 am hanggang 2:00 pm sa National Press Club (NPC) grounds sa Magallanes Drive, Intramuros, Manila.

Sa eksibit na ito na pinamagatang “Give Peace A Chance,” matutunghayan ang mga litratong kuha ng mga beteranong photojournalist na nakasaksi ng aktwal na sagupaan sa pagitan ng mga rebelde at mga sundalo ng gobyerno mula 1969 hanggang sa kasalukuyan.

Layon ng exhibit na maimulat ang mga kabataan sa kabuktutan ng karahasan gamit ang mga larawang sumasalamin ng walang saysay na hidwaan ng mga Pilipino laban sa kapwa Pilipino.

“The photo exhibit encompasses less than 100 images depicting both military, rebel, and civilian perspectives, including the onset of the war, the conflict itself, the aftermath, people’s displacement, medical care, training and community integration, impressions, and more,” saad sa kalatas ng PPP.

Ibabahagi rin ng mga award-winning photojournalist ang kanilang mga karanasan sa bawat destinasyon kung saan may gulo, sigalot, sagupaan, kudeta at iba pa. Kasama rin sa pangunahing larawan ang mga eksena sa mga lugar na sinalanta ng delubyo.

Ipiprisinta nina Heraldo “Boy” Cabrido, dating PPP President; Gil Nartea, UP Journalism propesor at Edwin Bacasmas, kasalukuyang Pangulo ng PPP, ang kanilang mga larawan na kuha mula sa iba’t ibang anyo ng armadong tunggalian.

Nakatakda ring maglabas ng posisyon ang PPP kung bakit kailangang itigil ang armadong tunggalian.

Kabilang sa inaasahang dadalo ang mga opisyales at kinatawan mula sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Presidential Communications Office, Commission on Human Rights, Office of the Presidential Peace Adviser on Peace and Unity, at People’s Progressive Humanist Liberal Party (PolPHIL).

Inaasahan din ang pakikiisa ng mga campus journalist mula sa University of Sto. Tomas at Polytechnic University of the Philippines.

111

Related posts

Leave a Comment