QC Hall employees binalaan sa suhulan ‘PALAKASAN’ SYSTEM TABLADO KAY MAYOR JOY

BINALAAN ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang mga kawani ng Quezon City Hall laban sa pagtanggap ng suhol at tiniyak na walang ‘palakasan system’ sa pakikipagtransaksyon sa kanilang lokal na pamahalaan.

“Hindi natin palalampasin ang mga ganitong klaseng pang-aabuso at pagmamalabis sa ating mga QCitizen lalo na kung sangkot mismo ang ating mga kawani sa pamahalaan,” ani Mayor Belmonte.

Kasabay nito, hinikayat ni Mayor Belmonte ang city government clients na huwag magbibigay ng suhol, umiwas sa prosesong ilegal, at sumunod sa batas at regulasyon ng gobyerno.

“Here in QC, we will never condone the ‘palakasan’ system. No one should dangle money or gifts in exchange for special favors or a shortcut to our processes. We have embraced digitalization so that everything is done expeditiously, eliminating red tape,” ayon pa sa kanya.

Ang pahayag ni Belmonte ay kasunod ng entrapment operation ng QC Police District noong nakaraang Huwebes, na nagresulta ng pagkakaaresto sa dalawang empleyado ng City Treasurer’s Office.

Ang mga suspek ay isang Revenue Examiner at isang Administrative Aide, na nag-assess ng client’s requirements na siningil ng halagang P77,632 para sa total amount ng tax na dapat bayaran bago magretiro.

Sa nasabing proseso, ang mga suspek ay humingi ng P50,000 para sa mabilis na pag-release ng kanyang mga dokumento, sa kondisyon na “discounted rate” na walang kaukulang official receipt.

Naghain naman ng reklamo ang kliyente laban sa CTO employees sa QCPD na naging daan sa pagsasagawa ng entrapment operation.

Ang mga suspek ay sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9485 o The Anti-Red Tape Act of 2007 sa QC Prosecutor’s Office noong Biyernes, Mayo 26.

“Pinapaalalahanan po natin ang publiko na mag-ingat at huwag makipagtransaksyon sa mga indibidwal na hihingan kayo ng ‘lagay’ kapalit ng pagproseso ng inyong mga dokumento. I-report agad ang mga ito sa kapulisan o kaya tumawag sa Hotline 122 upang mabigyan ng agarang aksyon,” ayon naman kay QCPD Director BGen. Nicholas Torre III. (JOEL O. AMONGO)

250

Related posts

Leave a Comment