(BERNARD TAGUINOD)
MISTULANG umepal lang si House Speaker Martin Romualdez nang pangunahan nito ang mga pagsalakay kamakailan sa ilang warehouse na pinaghihinalaang nag-iimbak ng bigas.
Sunod-sunod na sinalakay ng Bureau of Customs (BOC) kasama si Romualdez at ilan pang mambabatas matapos iutos ng Malakanyang ang paghabol sa mga pinaghihinalaang dahilan ng artificial shortage at pagmahal ng presyo ng bigas sa bansa.
Kabilang sa mga sinalakay ang rice warehouses sa Bulacan.
Sa kabila nito, patuloy ang reklamo ng mga mamimili sa mataas pa ring presyo ng bigas sa mga pamilihan.
Para naman sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), mistulang pinapayagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong’ Marcos Jr., na mamayagpag ang cartel sa bigas kaya nananatiling mataas ang presyo ng nito sa bansa kahit nasa panahon ng anihan.
Sa ulat, umaabot na umano sa P60 ang presyo ng kada kilo ng bigas.
“Marcos Jr. government has done very little to rein in the large-scale rice smuggling, hoarding, and rice price manipulation. The cartel continues to operate because the DA and the government allow them,” ani KMP chairman Danilo Ramos.
Ang pahayag ng lider ng magsasaka ay kaugnay sa mungkahi umano ng isang grupo na ibalik ang price ceiling matapos umalagwa ang presyo ng bigas dahil sa napakataas na presyo ng palay.
Bagama’t may mga ulat na umaabot na umano sa P27 hanggang P32 ang kada kilo ng palay sa ilang lugar, hindi ito ang average price sa buong bansa dahil sa katotohanan aniya ay P17 hanggang P18 lang binibili ng traders ang ani ng mga magsasaka sa mas maraming lugar.
“Kulang na lang hingin ng traders ang palay ng magsasaka,” ani Ramos kaya naniniwala ito na ang pagtaas ng presyo ng bigas ay dahil hindi binubuwag ng DA (Department of Agriculture) at mismong ni Marcos ang cartel sa bigas na siyang nagmamanipula sa industriya.
Para sa nasabing grupo, isang malaking anomalya na habang nasa panahon ng anihan sa bansa ay napakataas pa rin ng presyo ng bigas at hindi pa rin makatarungan ang presyo ng palay.
“Kahit magkaroon ulit ng price ceiling kung ang may dikta at kontrol pa rin sa suplay, bilihan at presyo ng palay at bigas ay ang mga kartel, at walang kapangyarihan ang NFA at estado, aalagwa pa rin ang presyo ng bigas. Ganito ang nangyari sa EO 39 ng Malakanyang,” paliwanag ni Ramos.
Nakadadagdag problema aniya ang Rice Liberalization Law na patuloy na ipinatutupad ni Marcos gayung ito ang dahilan kung bakit nalugmok ang mga magsasaka sa kahirapan.
222