Sa gitna ng matinding init at pertussis BLENDED LEARNING MODE MUNA

(DANG SAMSON-GARCIA)

IMINUNGKAHI ni Senate committee on basic education chairman Sherwin Gatchalian sa mga principal na magpatupad muna ng blended learning sa gitna ng pangamba ng mga magulang sa banta ng pertussis o whooping cough at mainit na panahon.

Sa ganitong paraan, sinabi ni Gatchalian na maipagpapatuloy ang edukasyon ng mga bata kasabay ng pagbibigay prayoridad sa kalusugan at kaligtasan ng mga estudyante at guro.
Ilang lokal na pamahalaan na rin ang nagsuspinde ng klase simula kahapon bunsod ng matinding init ng panahon.

Ipinaalala ni Gatchalian na sa ilalim ng Department of Education (DepEd) Order No. 037 s. 2022, maaaring magsagawa ng modular distance learning, performance tasks, o make-up classes kapag nagsuspinde ng klase.

Una na ring isinusulong ni Gatchalian ang unti-unting pagbabalik sa dating school calendar upang maibalik ang summer vacation.

Nanawagan din si Gatchalian sa mga punong-guro na magpatupad ng mga hakbang para sa kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral sa mga paaralan, kabilang ang pagsulong ng maayos na respiratory hygiene at regular na paghuhugas ng kamay.

Wala Munang F2F

Ganito rin ang payo ng Task Force El Niño sa Local Government Units (LGUs).

Ani Task Force El Niño spokesperson Joey Villarama, may kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan na magsuspinde ng klase base sa mabibigat na kadahilanan.

“Kung hindi po talaga viable at hindi na po talagang advisable na tumungo pa sa mga classroom ang ating mga kabataan, pati ang ating mga teacher, ay mag-shift na po tayo sa online classes,” aniya.

Sinabi naman ni Education Asec. Francis Bringas ang mga guro at mag-aaral ay maaaring magsuot ng komportableng damit alinsunod sa “dress code.”

Classrooms Dagdagan

Itinutulak naman ng isang mambabatas sa Kamara ang pagkakaroon ng karagdagang classrooms at sapat na bentilasyon sa lahat ng pampublikong paaralan sa bansa.

Panawagan ito ni ACT Party-list Rep. France Castro sa gitna ng patuloy na pagtaas ng heat index sa bansa dahil sa El Niño phenomenon.

“The current heat index experienced by our students and teachers should serve as a wake-up call to prioritize the construction of additional classrooms and the improvement of ventilation systems in our schools,” ayon sa mambabatas.

Sa ngayon, umaabot sa 50 estudyante ang nagsisiksikan sa isang silid-aralan at marami umano ang walang sapat na bentilasyon kaya kaawa-awa aniya ang kalagayan ng mga ito kasama ang kanilang mga guro.

Dahil dito, kailangang pagtuunan aniya ng pansin ang nasabing problema at buhusan ng pondo ang pagpapatayo ng karagdagang mga silid-aralan sa bansa.

Inatasan din ng kongresista ang Department of Education (DepEd) na magsagawa ng regular maintenance sa mga silid-aralan at lagyan ng sapat na bentilasyon dahil responsibilidad aniya ng gobyerno na pangalagaan ang kalusugan ng mga estudyante at mga guro na apektado ng El Niño.

(May dagdag na ulat sina JULIET PACOT at BERNARD TAGUINOD)

146

Related posts

Leave a Comment