SLEX WORKER PATAY SA PAMAMARIL NG NAKATALONG SECURITY GUARD

PATAY ang isang trabahador ng South Luzon Expressway (SLEX) matapos barilin ng OIC ng mga security guard ng isang industrial park sa Brgy. Batino, Calamba City, Laguna nitong Sabado ng hapon.

Dead on the spot ang biktima na kinilala ng Calamba City police na si Ronald Viñas Santillan, 32 anyos, residente ng Muntinlupa City at welder ng Archen Construction Group.

Kinilala naman ang suspek na isang alyas Demetrio, residente ng Barangay San Pedro, Sto Tomas City, Batangas at security-in-charge ng Calamba Premiere Industrial Park (CPIP).

Ayon sa imbestigasyon ng Calamba City police, dakong ala-1:00 ng hapon, nagpapahinga ang biktima kasama ang ilan pang katrabaho malapit sa perimeter wall sa pagitan ng SLEX at ng CPIP nang makasagutan nila ang supek kasama ang isa pang security guard nang pilit silang paalisin sa lugar.

Sinabi naman ng mga trabahador na nagpapahinga lamang sila saglit sa lugar na katapat ng kanilang ginagawang road repair project sa loob ng SLEX.

Sa gitna ng pagtatalo, umalis ang suspek at nagtungo sa kalapit na establisimyento subalit mabilis ding bumalik dala ang maiksing kalibre ng baril at pinaputukan ang dalawa.

Tinamaan ang biktima na siyang agarang ikinasawi nito.

Nakuhanan pa ng video ng isa sa mga trabahador ang pamamaril ng suspek.

Tumakas ang namaril na security guard subalit nitong Linggo ng tanghali ay sumuko ito sa tanggapan ng CIDG sa Cabuyao City.

Nakikipag-ugnayan na ang Calamba City police station sa CIDG para ma-turn over sa kanila ang suspek.

Ayon kay Calamba police chief Milany Martirez, kasong murder ang isasampa nila laban sa suspek.

Inaresto rin ng mga pulis ang isa pang security guard na naroon din sa eksena at nakatakdang sampahan ng kaso dahil sa pagpapabaya na makatakas ang kanyang kasama.

(NILOU DEL CARMEN)

592

Related posts

Leave a Comment