(DANG SAMSON-GARCIA/JULIET PACOT)
NANINIWALA si Senador Francis Chiz Escudero na hindi makatutulong upang mapahupa ang tensyon sa pagitan ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang pagsasapubliko ng Department of Justice ng legal nilang opsyon kung maglalabas na ng warrant of arrest ang International Criminal Court.
Ayon kay Escudero, normal na proseso na maghanda ang DOJ sa mga posibleng legal options para makapagprisinta ng complete staff work sa Pangulo.
Iginiit ng senador na ginagawa naman ito sa lahat ng mga isyung kailangang pagdesisyunan ng Pangulo.
Nakapagtataka lang para sa Senador na nagpatawag pa ng presscon ang DOJ at inanunsyo na may inihahanda silang legal options para magkaroon ng gabay ang Pangulo kapag may inilabas nang warrant of arrest ang ICC.
Maari anyang magpalala pa ito sa tensyon sa pagitan ng mga Marcos at mga Duterte.
Kaugnay nito, inihahanda na ng DOJ at Office of the Solicitor General ang isang legal briefer para kay Pangulong Marcos Jr.
Sa gitna ito ng inaasahang paglalabas ng warrant ng ICC laban kay Duterte at iba pang inakusahan ng crimes against humanity.
Ayon kay Justice Asec. Mico Clavano, sa ngayon nanatiling confidential ang mga nilalaman ng kanilang briefer ngunit bahagi nito ang mga pros and cons ng muling pagsali ng Pilipinas sa Rome Statute.
Gayunpaman, muli pa ring binigyang-diin ng pamahalaan na sa kabila nito, naninindigan ang administrasyong Marcos Jr. na hindi nito kilalanin ang ICC sapagkat sapat ang kakayahan ng ating gobyerno na papanagutin ang sinomang nagkasala, maging ang mga dating opisyal ng gobyerno.
Kung matatandaan, una nang sinabi ni dating Senator Antonio Trillanes IV na batay sa kanyang mapagkakatiwalaang source ay posibleng maglabas ng arrest warrant ang ICC laban kay Duterte pagsapit ng buwan ng Hunyo o Hulyo ng taong kasalukuyan.
127