Tinablan sa mga batikos? BIYAHE ABROAD IDINIPENSA NG MAG-ASAWANG MARCOS

DINEPENSAHAN nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza ang madalas nilang pagbyahe sa labas ng bansa.

Ang katwiran ng Pangulo, kailangan ng Pilipinas ang maraming investments para palakasin ang ekonomiya ng bansa matapos ang pandemya.

Tinatayang may 16 foreign trips na ang nagawa ng Pangulo simula Hunyo 2022.

Ang pahayag pa rin na ito ng Punong Ehekutibo ay matapos na ipahayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas na bumagsak ang foreign direct investment ng 20.4% hanggang $3.91 billion sa first half ng 2023 kumpara sa $4.91 billion sa kaparehong panahon ng nakaraang taon.

Ang pinakabagong byahe ng Pangulo ay sa Singapore para sa 10th Asia Summit.

Sa kanyang pangalawang State of the Nation Address (SONA), sinabi ni Marcos na ang pagbyahe niya sa ibang bansa ay nakalikha ng P3.9 trillion investment pledges na maaaring makalikha ng 175,000 trabaho.

Sa hiwalay na Instagram post, sinabi ni First Lady Louise “Liza” Araneta-Marcos na ang Formula One ay oportunidad para sa networking sa hanay ng iba’t ibang personalidad.

Nagbahagi rin ang Unang Ginang ng mga larawan kasama ang Singaporean business leaders at political personalities, kabilang ang Singapore Prime Minister.

“Formula 1 is a global sport that provides opportunities for networking with a diverse range of people — including political figures, celebrities, and business leaders,” ayon sa post ni FL Liza.

Ang kanilang anak na si Joseph Simon, at Speaker Ferdinand Martin Romualdez ay makikita rin sa larawan.

Dumating si Pangulong Marcos sa Singapore, noong Miyerkoles, Setyembre 13, para sa 10th Asian Conference at dumalo sa pinale o pagtatapos ng F1.

Matatandaang binatikos na rin ng publiko ang pagdalo ng Pangulo sa F1 race noong 2022, subalit para sa Punong Ehekutibo, ito ang best way para paingayin ang negosyo.

Sa panibagong biyahe, sinabi ni Marcos Jr. na mayroon siyang “promising” discussions kasama sina Singaporean Prime Minister Lee Hsien Loong at Deputy Prime Minister Lawrence Wong sa sidelines ng Formula One Grand Prix.

(CHRISTIAN DALE)

212

Related posts

Leave a Comment