PINAAAMYENDAHAN ng isang mambabatas sa Kamara ang isang batas ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na idaan sa toss coin kung sino ang mauupo sa dalawang kandidato na nakakuha ng parehong bilang ng boto sa eleksyon.
Sa House Bill (HB) 9796 na inakda ni Cotabato Rep. Alana Samantha Taliño-Santos, nais nitong maamyendahan ang Batas Pambansa Blg. 881 kung saan pinapayagan na mag-toss coin ang mga kandidato tuwing may tie o tabla sa eleksyon.
“It must be reiterated that elections are meant to be a fair and democratic process where the will of the people is reflected in the results. Using a coin toss in case of a tie during elections can be seen as an arbitrary and random way of deciding the outcome. A coin toss does not take into account the preferences or opinions of the voters, potentially leading to an unfair outcome,” paliwanag ng mambabatas sa kanyang panukala.
Ginawa ng mambabatas ang panukala dahil noong nakaraang Barangay at Sangguniang Kabataan election, maraming kandidato ang tabla sa botong nakuha at para maresolba ang problema ay idinaan na lamang ito sa toss coin.
Maging noong 2019 election aniya, dalawang kandidato sa pagka-mayor sa Western Palawan na nagtabla sa mayoralty race, ang idinaan sa toss coin ang kanilang problema, kaya dapat aniyang magkaroon ng batas para rito.
Kapag naging batas ang panukala, kung mayroong dalawa o higit pang kandidato na makakukuha ng parehong bilang ng boto, ang pinal na resulta ay ipareresolba sa Sangguniang Bayan.
Kapag may kaparehong kaso sa pagka-senador, ang nahalal na 23 senador ang magbobotohan kung sino ang uupo sa mula sa dalawang senatorial candidates, sa pamamagitan ng majority votes.
(BERNARD TAGUINOD)
185