TRUCK NALAGLAG SA TULAY, 4 SUGATAN

LAGUNA – Apat katao ang sugatan makaraang mahulog mula sa tulay at malaglag sa ilog ang 12-wheeler dump truck na may kargang buhangin sa bayan ng Majayjay sa lalawigang ito, noong Sabado ng umaga.

Ayon sa ulat na natanggap ni Police Regional Office 4A Director, Brig. Gen. Eliseo DC Cruz mula kay Majayjay Police chief, Capt. Ruffy Taduyo, kinilala ang mga sugatan na sina Jieron Benlot, 34, truck driver; Noel Clemente, 44; Den Fernandez, 42, at Jeffrey Pinino, 29-anyos.

Agad na dinala sa Majayjay Medical Hospital ang mga biktimang nasugatan sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon sa saksing si Rhoel Wansi, binabagtas ng truck na pagmamay-ari ng Pocholo Hizon Construction sa Bacolor, Pampanga, ang Atilo Bridge sa Barangay San Isidro patungong Barangay Suba sa bayan ng Majayjay noong Sabado.

Ngunit bigla umanong nahulog mula sa tulay ang truck bandang alas-10:00 ng umaga.

Agad namang nasaklolohan ng mga tauhan ng Majayjay Police Station at ilang mga tagaroon ang mga biktima at dinala sa ospital.

Pansamantalang isinara ng barangay officials sa mga motorista ang nasabing tulay. (CYRILL QUILO)

101

Related posts

Leave a Comment