VAN NAHULOG SA BANGIN SA QUEZON, 7 SUGATAN

QUEZON – Sugatan ang driver at ang anim na pasahero nang mahulog sa bangin ang isang privadong van na sinasakyan ng magkakapamilya sa Maharlika Highway sa Brgy. Bagong Silang, sa bayan ng Calauag sa lalawigang ito, nitong Miyerkoles ng umaga.

Ayon sa report ng Calauag Police, galing sa Taguig City at papunta sa Del Gallego, Camarines Sur ang mga biktima nang mahulog sa nasa limang metrong lalim na bangin ang kanilang sinasakyang Toyota Innova dakong alas-6:45 ng umaga.

Kinilala ang mga sugatan na sina Jocelyn Rojo Ervas, Marlyn Montano Marangot, Christopher Ervas Santiago, at ang driver na si Naprel Ervas Santiago, pawang residente ng Daang Manunuso Ibayo, Barangay Tipas,Taguig City.

Nasugatan din ang tatlong menor de edad, na dalawang batang lalaki at isang batang babae na kinilala sa mga pangalang “Max”, “Joshua” at “Yesha”.

Ayon sa imbestigador, nahulog sa malambot na bahagi ng shoulder ang van nang hindi sinasadyang makabig ng nagmamaneho ang manibela pakanan sa paakyat at kurbadang bahagi ng highway.

Nawalan na ito ng kontrol habang sinusubukang bumalik sa linya at dumeretso sa bangin na nasa kaliwa ng kalsada.

Pawang nasugatan ang mga sakay ng sasakyan na isinugod sa St. Peter General Hospital ng nagrespondeng mga tauhan ng Calauag MDRRMO.

(NILOU DEL CARMEN)

148

Related posts

Leave a Comment