‘Wag sanang mapako INTERNET SA REMOTE AREAS PANGAKO NI PBBM

IPAGPAPATULOY ng gobyernong Marcos ang paglalagay ng internet connections sa malalayong lugar.

Ito ang pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mamamayang Pilipino dahil ang access sa web ay itinuturing nitong “post-pandemic must-have.”

Binigyang diin ng Pangulo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malawak na Internet connections matapos siyang makiisa sa Zoom call sa pagitan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at mga stakeholders ng departamento.

“Gusto kong subukan kung talagang yung sinasabi sa akin ni Sec. Ivan (John Uy) e talagang gumagana,” ang pahayag ni Pangulong Marcos.

“Mukha namang marami na tayong nalagyan ng bagong connection para may internet na sila ngayon… Lalo na yung malalayo dahil yan ang mas may kailangan, lalo na yung mga bata para sa kanilang eskuwela,” ang wika ng Pangulo.

“Umpisa pa lang ito. Gagawin natin ito para masabi natin na lahat ng Pinoy kayang kausapin lahat ng ibang Pinoy,” dagdag na pahayag nito.

Binati naman ng Punong Ehekutibo ang DICT para sa free WiFi project nito.

“Yung iba’t ibang lugar nagkaroon na ng internet kaya’t dadagdagan pa natin,” ani Pangulong Marcos.

Sinasabing, pangunahing target sa libreng internet services, ayon kay Pangulong Marcos ang mga lugar na kahit access sa mobile cellular services ay hindi available.

Nitong December 24, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang virtual rollout ng “Broadband ng Masa” Program para sa mga mag-aaral at mga guro mula sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAS). (CHRISTIAN DALE)

35

Related posts

Leave a Comment