KAPANSIN-PANSIN na maraming kabataan ang naglabasan sa kani-kanilang mga bahay matapos na ilagay sa alert level 3 ang NCR.
Hindi maikakaila mga lodi, na maraming mga bata ang sabik nang makakain at makapag-dine in sa labas o matanaw man lang yung mascot ng dalawang sikat na fastfood chain. Iyon nga lamang ay bawal pa sila. Hehehe…
Kasi naman mga lodi, sumirit ang porsiyento ng mga batang nakararanas ng depression at suicidal tendencies dahil sa halos dalawang taong pananatili lamang sa mga bahay dahil nga sa COVID-19 pandemic.
Ito mga lodi, ay base sa pahayag ng mga psychologist, huh?
Imagine mga lodi, 300 to 400% ng mga kabataan ay mayroong depression habang ang ibang kabataan ay may mga posibilidad ng pagpapakamatay.
Ang dahilan mga lodi, ay restricted kasi silang lumabas ng bahay sa loob ng 2 taon.
Kaya to the rescue naman ang gobyerno, ang report ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa “Talk to the People” ng huli, nitong Lunes ng gabi ay kailangan nang mabakunahan ang lahat ng mga kabataan para matugunan ang dinaranas na problema sa mental health ng mga bata at para na rin mga lodi, ay makalabas at makapasyal ang mga ito.
Bukod pa rito ay upang makapag-aral at makasama ang kanilang kaibigan.
Mahirap naman kasi na nasa bahay lang sila pero kung lalabas ng bahay ang ating mga bidang tsikiting ay kailangan na kasama sina nanay at tatay o tita at tito.
Kaya pabor ako mga lodi, na dapat na ring bigyan ng laya ang mga kabataan sa sandaling mabakunahan ang mayorya sa mga ito na may edad 12 hanggang 17.
Teka, paglilinaw mga bagets… sa ating mga tsikiting.. bawal kayo sa matataong lugar huh?
Sulyap at kindat muna kina Jollibee at McDo.
BLIND ITEM:
AYAW mang aminin pero halatang-halata na masama ang loob ng isang opisyal ng gobyerno sa isang kilala at popular na opisyal ng lokal na pamahalaan dahil naunsiyami ang pagtakbo niya sa isang posisyon sa 2022 national at local elections.
Ito kasing si popular na lokal na opisyal ay dedma sa panawagan na tumakbo siya sa pinakamataas na posisyon sa bansa.
Ang siste, ang desisyon naman ng opisyal ng gobyerno sa kanyang pagtakbo sa eleksyon ay nakasalalay sa popular na lokal na opisyal.
Kaya ang nangyari… dahil naging “bato” na ang kanyang ambisyon na maging halal na opisyal ng bansa binawasan na rin nito ang kanyang pagsagot sa mga tanong ng media.
Ang kanyang 3x a week na pagharap sa publiko para sagutin at linawin ang mga usapin sa pamahalaan lalo na sa kanyang pinaglilingkuran ay naging 2x a week na lang. Ang biruan nga sa apat na sulok ng tindahan ni Aling Mosang at Marites ay kasalanan ng isang prinsesa.
Hindi naman siya makapalag kasi baka makatikim siya ng bigwas sa kanyang amo.
Oh mga lodi… kaya niyo bang hulaan kung sinu-sino ang mga bida sa kuwento nina Aling Mosang at Marites? Ang makakahula… may tsansang makapag-tiktok kasama ang ating “pangunahing bida.” Char!
(Si Christian Dale ang correspondent ng SAKSI Ngayon na nakatutok sa Palasyo ng Malacañang)
