Kamara sinalag alegasyon ni VP Sara GALAWAN SA KONGRESO MAY KATAPAT NA PONDO

SINALAG ng Kamara ang patutsada ni Vice President Sara Duterte na may mga mambabatas na napilitang pumirma sa impeachment laban sa kanya dahil takot mawalan ng pondo.

“Baka masyado na silang nasanay na lahat ng lahat ng galaw ng kanilang mga kakampi ay kailangan may bayad,” ani Atty. Princess Abante, tagapagsalita ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Bago ito ay naglabas ng alegasyon si Duterte na bukod sa hindi umano nabasa ng mga kongresista ang impeachment complaint ay may budget na ibinigay sa mga pumirmang mambabatas.

Noong Pebrero 5, 2025, inendorso ng 215 congressmen ang ikaapat na Impeachment complaint laban kay Duterte kaya hindi na ito idinaan sa House committee on justice at sa halip idiniretso na sa Impeachment Court o sa Senado.

Sa muling pagharap ni Duterte sa media kamakalawa, inulit nito ang alegasyon na hindi binasa ng mga kongresista ang impeachment complaint at pumirma na lamang ang mga ito dahil may kapalit na pondo ang kanilang pirma.

“Siguro dapat maging klaro tayo dun sa mga paratang na ganyan. Hindi pwedeng dinadaan lagi sa intriga yung mga ganitong alegasyon lalong-lalo na pag ang sinasabing alegasyon ay paninira,” ani Abante.

Sinisira umano ni Duterte ang integridad ng 216 congressmen at mismong ang institusyon na walang maipakitang ebidensya gayung ginampanan lamang ng mga ito ang kanilang trabaho na panagutin ang mga nagkasala sa batas.

Pinanindigan ni Abante na binasa at naintindihan ng mga mambabatas na pumirma ang impeachment complaint dahil pinanumpaan nila ito sa harap ni House Secretary General Reginald Velasco.

(BERNARD TAGUINOD)

74

Related posts

Leave a Comment