ALLOWANCE SA PUBLIC TEACHERS PIRMADO NA

NILAGDAAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., noong Lunes ang Kabalikat sa Pagtuturo Act, naglalayong suportahan ang mga public school teachers sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga ito ng allowances.

Layon ng nasabing allowance na pagaanin ang ‘financial burdens’ o pasanin sa pananalapi na nauugnay sa pagbili ng teaching supplies at materials, upang sa gayon ay magawa ng mga guro na mag-pokus sa kanilang mahalagang papel sa edukasyon at mas maliit na out-of-pocket expenses.

Itinakda ng bagong batas ang initial teaching allowance na P5,000 kada guro para sa School Year (SY) 2024-2025, sinundan ng P10,000 para sa SY 2025-2026 at bawat taon pagkatapos.

Sinabi ng Pangulo sa kanyang talumpati na ang pagsasabatas ng Kabalikat sa Pagtuturo Act ay “significant milestone” para sa sektor ng edukasyon dahil nagbibigay ito ng malaking suporta para sa mga guro “so they can concentrate on teaching.”

“I think we’re all familiar with the situation when a teacher finds themselves in financial straits. then sometimes, they’re distracted and spend their time trying to increase the support that they can provide their families and to the detriment of the actual teaching,” ang sinabi ng Pangulo sa kanyang naging talumpati.

Winika pa ng Pangulo na tungkulin ng gobyerno na tiyakin ang kapakanan ng mga guro. Inilarawan niya ang mga ito bilang “unsung heroes” ng lipunan.

Samantala, sinabi ni Senador Grace Poe na napapanahon na ang pagbibigay ng dagdag teaching supplies allowance upang makaagapay ang mga guro sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Ani Poe, matagal na nilang ipinaglaban ang pagtataas ng allowance sa mga guro kaya’t nagpapasalamat sila sa paglagda sa Kabalikat sa Pagtuturo Act.

Sinabi ni Poe na kadalasan ang mga guro na mismo ang bumabalikat sa mga gastusin nila sa school supplies na gamit nila sa pagtuturo sa mga estudyante.

Binigyang-diin ni Poe na kung gusto natin ng 21st century na pagtuturo, hindi dapat out of date ang pagtulong sa mga guro.

Ipinaalala ng senador na pangunahing bahagi ng paaralan ang mga guro na humuhubog sa kabataan na siyang kinabukasan ng ating bayan. (CHRISTIAN DALE/DANG SAMSON-GARCIA)

47

Related posts

Leave a Comment