Bagong Pilipinas bahagi na ng flag ceremonies SOLON: MARCOS ADMIN GALAWANG DIKTADOR

TINULIGSA ni House deputy minority leader France Castro si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa inilabas nitong Memorandum Circular No. 52 na nag-aatas sa lahat ng national government agencies at state universities and colleges (SUCs) na isama ang Bagong Pilipinas Hymn and Pledge sa kanilang lingguhang flag ceremony.

“Is Pres. Marcos Jr. again imitating his dictator father and bringing back martial rule? His order is reminiscent of Marcos Sr.’s directive then for people to sing praises to the Bagong Lipunan,” ani Castro.

Noong panahon ng amang diktador na si Ferdinand E. Marcos Sr., ipinilit nito sa lahat ng institusyon partikular sa sektor ng edukasyon ang pagkanta ng Bagong Lipunan.

Sinabi ng mambabatas na wala itong ipinagkaiba sa Bagong Pilipinas Hymn and Pledge na ideya ni Marcos Jr., kaya parang unti-unti na rin umano nitong sinusundan ang yapak ng ama.

Ang Bagong Pilipinas ay “branding of governance” ng administrasyon, na ayon sa Malakanyang ay “principled, accountable and dependable government” na suportado ng isang “active at empowered citizenry.”

Ang Bagong Pilipinas brand ay nagamit na simula pa noong Hulyo ng nakaraang taon.

Ang pagpapalaganap umano sa Bagong Pilipinas hymn at pledge ay naglalayon na ikintal sa isip ng mga Pilipino ang brand of governance and leadership ni Marcos, ayon sa Memorandum Circular No. 52., na nilagdaan ni Marcos Jr. sa pamamagitan ni Executive Secretary Lucas Bersamin. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

56

Related posts

Leave a Comment