Kahit tablado sa eco managers ni Marcos Jr. P750 DAILY MINIMUM WAGE HINIRIT

(BERNARD TAGUINOD)

BAGAMA’T malamig ang economic managers ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na itaas ang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor, ipinilit pa rin ng Makabayan bloc sa Kamara ang P750 across-the-board na arawang sahod sa buong bansa.

Sa House Bill (HB) 7568 na inakda ng tatlong kinatawan ng Makabayan bloc sa Kamara kahapon, iginiit ng mga ito na kailangan na ang dagdag na sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor lalo na’t hindi maawat ng Marcos administration ang paglobo ng inflation rate sa bansa.

“Wages are supposed to represent the commodity price of labor power. But it is one of the injustices of our times that unlike other commodities whose prices automatically move up the baseline according to the swings in the market, workers have to fight for a significant wage increase while the government ties its hands even in the face of historic surges in inflation data,” paliwanag ng Makabayan bloc sa kanilang panukala.

Sa ngayon ay P570 ang minimum wage sa National Capital Region (NCR) na pinakamataas sa 17 rehiyon sa bansa habang pinakamababa naman ang sinasahod ng mga manggagawa sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na umaabot lamang ng P341.

Gayunpaman, dahil sa paglobo ng inflation na umaabot pa rin umano sa 8.6% noong Pebrero, ang sahod ng minimum wage earners sa NCR ay katumbas na lamang ng P482 habang P285 na lamang sa BARRM.

Ipinaliwanag ng mga mambabatas na hindi lamang ang mga manggagawa sa NCR ang apektado sa inflation rate kundi buong bansa kaya nararapat lamang na ipantay ang sahod ng mga ito sa P750 kada araw.

Sa katunayan anila, 49.1% lamang ang katumbas nito sa P1,161 na dapat sahurin ng mga manggagawa kada araw upang magkaroon ng disenteng pamumuhay lalo na’t pataas nang pataas ang kita ng mga negosyante sa bansa.

“Tumataas ang tubo ng mga kumpanya tapos may savings pa sa mas mababang buwis sa ilalim ng CREATE (Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Law, ngunit hindi naman tumataas ang sahod ng mga manggagawa,” ayon sa isa sa miyembro ng Makabayan bloc na si Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.

Base aniya sa report, tumaas ng 17.5% o katumbas ng P13.44 trillion ang kinita ng top 1000 companies sa bansa noong kasagsagan ng pandemya noong 2021 mula sa P11.44 trillion noong 2021.

“Significant wage increase is long overdue. Imbes na Charter change ang atupagin ng gobyerno, dapat nitong gawing prayoridad ang umento sa sahod upang makapagbigay alwan sa tumitinding krisis sa ating bansa,” dagdag pa ng mambabatas.

332

Related posts

Leave a Comment