Pinatutsadahan sa Kamara BBM DAPAT MANGUNA SA PAGBABAYAD NG BUWIS

MAANGHANG na patutsada ang isinukli ng mga militanteng kongresista sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa taumbayan na magbayad ng tamang buwis para maiahon ang lugmok na ekonomiya ng bansa.

“Tama ang sinabi ni Pres Marcos Jr. but walk the talk,” maikli subalit may lamang pasaring ni House Deputy Minority Leader France Castro.

Hindi man pinalawig ni Castro ang detalye, tila pasaring ng militanteng kongresista sa Pangulo ang kontrobersyal na P203-bilyong estate tax na hindi binayaran ng pamilyang Marcos sa nakalipas na tatlong dekada.

“Hirap na hirap na rin ang mga mamamayan sa pagbabayad ng buwis mula sa mga binibili, mga utilities, income at iba pa. Kailangan na ngayon ng relief ng mamamayan,” ayon sa kinatawan ng ACT partylist group sa Kamara, kasabay ng hamon kay Marcos na pangunahan ang pagbabayad ng tamang buwis.

Diin pa ni Castro, hindi dapat nakatuon ang mata ng administrasyon sa mga ordinaryong Pilipinong aniya’y maagap at tumpak ang binabayarang buwis sa pamahalaan. Ang dapat umanong kulitin ng punong ehekutibo – mga oligarkong hindi akma ang binabayarang buwis sa gobyerno.

Hamon pa ni Castro kay Marcos, habulin ang malalaking tax evaders, buwisan ang mayayamang tao sa gobyerno – dalawang sektor na kumakatawan sa 2% ng kabuuang populasyon ng bansa.

Giit pa ng militanteng kongresista, bawasan ang buwis na binabayaran ng mga ordinaryong tao sa pamamagitan ng pagtanggal sa excise tax sa langis at value added tax sa mga pangunahing bilihin.

Tampulan din ng kantyaw sa social media ang panghihikayat ni Marcos sa mga Pilipino para magbayad ng tamang buwis sa gobyerno.

Kabilang sa mga nagpasaring si dating Ifugao Rep. Teddy Baguilat.

“Seryoso?,” panunukso ni Baguilat sa social media.

Nauna rito, hinamon ni Pang. Marcos Jr. ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na magtrabaho nang naaayon sa pinakamataas na pamantayan ng integridad, kakayahan at kahusayan upang matamo ang kumpiyansa ng publiko sa tax system ng Pilipinas.

Sa kanyang talumpati sa 2023 National Tax Campaign Kickoff ng BIR na ginanap sa Philippine International Convention Center sa Pasay City, nagpahayag ng kumpiyansa si Marcos Jr. na patuloy na makikiisa at makikipagtulungan ang mga Pinoy sa pagpapabuti ng sistema ng pangongolekta ng buwis.

Pinuri rin niya ang mga nagawa ng BIR noong nakaraang taon, partikular ang mas pinaigting na implementasyon ng Run After Tax Evaders (RATE) na nagresulta sa pagsasampa ng labindalawang kaso sa Department of Justice (DOJ) na may kinalaman sa 5.1 billion pesos na tax liability. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

262

Related posts

Leave a Comment