RICE CARTEL PROTEKTADO SA MARCOS ADMIN?

PROTEKTADO hanggang sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang rice cartel sa bansa na unti-unting pumapatay sa mga lokal na magsasaka.

Ito ang alegasyon ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairman Danilo Ramos kasunod ng isinagawang raid sa mga bodega sa Bulacan na pinangunahan ni House Speaker Martin Romualdez.

“We want to believe that the latest raid of several rice warehouses in Bulacan is not just for show and some brownie points,” ani Ramos dahil wala naman aniyang nahuli kundi kinumpiska lang ang may 202,000 sako ng bigas na hinihinalang smuggled mula sa Vietnam, Cambodia at Thailand, na nagkakahalaga ng P505 million.

Noong nakaraang taon aniya, maraming raid ang isinagawa sa mga bodega na may mga kontrabando subalit walang mastermind na nakulong o kaya naparusahan.

“Noong isang taon, may halos isang bilyong halaga ng smuggled rice ang dumating sa Port of Iloilo. May nakulong ba? This proves that the rice cartel and their wide chain of operation and networks remain protected under this administration,” ayon kay Ramos.

“Ang sabi ng Pangulo bilang na ang araw ng mga agricultural smugglers. Ang gustong makita ng publiko ay may mahuli, makulong at maparusahang big time smugglers. Kailangan may managot sa batas,” dagdag pa ni Ramos.

Dahil dito, hinamon nito ang Pangulo na arestuhin ang mga rice smuggler at hindi lamang pagsalakay ang gawin sa kanilang mga bodega lalo pa’t hindi lang pinapatay ng mga ito ang industriya ng bigas sa bansa kundi hindi rin sila nagbabayad ng kaukulang buwis.

Kailangan din aniyang amyendahan ang Republic Act (RA) 11203 o Rice Tarffication Law dahil mas napadali, hindi lamang sa smugglers kundi maging sa mga legal importer na mag-smuggle ng bigas.

Sa katunayan aniya, lumobo pa ang income ng mga rice smuggler dahil sa nasabing batas dahil ibinebenta nila ang produktong ito ng 101 hanggang 131 percent na mas mataas sa aktwal na gastos sa produksyon na ginagawa ng legal rice importers at traders.

“In 2019, rice importers and traders profited an average of P73.48 billion, and P43.95 billion in 2020 under the rice tariffication with a rate of profiteering ranging from 101 to 131% of the actual cost of rice production,” paliwanag pa ni Ramos.

(BERNARD TAGUINOD)

235

Related posts

Leave a Comment