TRICYCLE DRIVERS ISASAMA SA AYUDA

(CHRISTIAN DALE)

INANUNSYO ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang plano ng gobyerno na palawakin ang sakop ng fuel subsidy program ng pamahalaan at isama ang mga tricycle driver.

Sa kanyang unang press briefing sa Malakanyang, sinabi ng Pangulo na napag-iwanan na ang mga tricycle driver sa programa na tulong para sa transport sector sa gitna ng umiiral na COVID-19 pandemic at patuloy na pagsirit ng presyo ng langis.

“We just discussed that we are going to try not only to continue the fuel subsidy for the transport sector but to expand it to include the tricycles which up to now, have not been included,” ayon kay Pangulong Marcos.

Ani Pangulong Marcos, ang pondo para sa panukalang “expanded” fuel subsidy program ay tinalakay sa unang Cabinet meeting, umaga ng Martes, Hulyo 6.

Hindi naman nagbigay pa ng karagdagang detalye ang Pangulo sa usaping ito subalit tiniyak na may sapat na pondo mula sa kasalukuyang 2022 budget na aabot hanggang sa katapusan ng taon.

“We talked about the funding, where it can come from, and how we are going to manage the funding for the additional fuel subsidies. We have enough budget I think to last for most of this year and a little bit beyond but we have to find that money if we’re going to continue,” dagdag na pahayag nito.

Noong nakaraang buwan, sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mahigit 600,000 tricycle drivers sa buong bansa ang nakatanggap ng fuel subsidy.

Nagsimula nang ipalabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang fuel subsidy para sa public transport operators at drivers noong Marso.

Gayunman, hinihintay pa ng board ang listahan ng mga tricycle at delivery driver na benepisyaryo ng programa mula sa DILG.

Samantala, magbibigay ng “Libreng Sakay” ang gobyerno para sa mga estudyante na sasakay ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2). Layon nito na mapabilis ang byahe ng mga estudyante patungo sa kanilang eskuwelahan sa Quezon City at University Belt sa Maynila.

Nauna rito, inaprubahan ni Pangulong Marcos ang libreng sakay para sa Epifanio de los Santos Avenue (Edsa) Bus Carousel hanggang Disyembre 2022, mula sa orihinal na expiry date na June 30.

Ang klase sa bansa ay magpapatuloy sa Setyembre, ayon sa Department of Education (DepEd).

74

Related posts

Leave a Comment