Uunahin ang pagbuo sa gabinete PBBM WALA PANG NAKATAKDANG STATE VISIT

WALA pang ipinalalabas na iskedyul ang Office of the President (OP) hinggil sa state visit ngayong taon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ang katuwiran ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Trixie Angeles, prayoridad ni Pangulong Marcos ang isapinal ang listahan ng mga miyembro ng kanyang gabinete.

“The President has not announced any state visits. As of now, he is busy building up the Cabinet. So, we will have to wait for an announcement if there is indeed such a thing,”ayon kay Sec. Angeles.

At sa tanong kung tinanggap ni Pangulong Marcos ang imbitasyon sa kanya ni United States President Joe Biden na bumisita sa Washington, sinabi ni Sec. Angeles: “Let’s wait for Malacañang to formally acknowledge it and then we will probably make the announcement with regard to whether or not it’s going to happen.”

Sa ulat, kinumpirma ni Philippine Ambassador to United States Babe Romualdez na inimbitahan ni US President Biden si Pangulong Marcos na bumisita sa Amerika.

Kaugnay nito, wala pa ring anunsyo ang Malakanyang kung kailan ang unang Cabinet meeting ni Pangulong Marcos Jr.

Sinabi ni PCOO Chief Angeles, bagama’t wala pang official announcement kung kailan idaraos ang unang Cabinet meeting ni Pangulong Marcos ay binigyan naman ng pagkakataon ang mga Kalihim na magsagawa ng assessments.

Ikinumpara kasi ng netizens si Pangulong Marcos kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na agad nagsagawa ng kanyang unang Cabinet meeting sa kaparehong araw na nanumpa siya sa tungkulin noong Hunyo 30, 2016.

Maging ang namayapa at dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ay kaagad ding nagsagawa ng kanyang unang Cabinet meeting sa unang araw nito bilang Chief Executive noong Hunyo 30, 2010.

Samantala, nananatili namang “incomplete” ang gabinete ni Pangulong Marcos.

Sinabi ni Sec. Angeles na ang administrasyon ay nasa “final evaluation stage” sa pagpili ng mga kandidato.

Ang mga bakanteng cabinet post ay ang Department of Health, Department of Energy, Department of Environment and Natural Resources, at Department of Human Settlements and Urban Development. (CHRISTIAN DALE)

62

Related posts

Leave a Comment