(NI BERNARD TAGUINOD)
HINDI lang biggest importer ng bigas ang Pilipinas kapag hindi naibasura ang Republic Act (RA) 11203 o Rice Tariffication and Liberalization Law kundi magiging ‘biggest loser’ pagdating sa food security.
Ito ang tinuran ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas kasabay ng pagbibigay kina House Speaker Alan Peter Cayetano at House majority leader Martin Romualdez ng kopya ng 50,000 lagda na kanilang nakalap para ibasura ang nasabing batas.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil nasapawan na ng Pilipinas ang China pagdating sa pinakamalaking rice importer sa mundo dahil aabot umano sa 3.1 million metric tons ang bigas na maaangkat bago matapos ang taon kumpara sa 2.5 million metric tons lamang ng nasabing bansa.
“Ang Pilipinas, na isang agricultural country, ay umaasa na lamang sa bigas na galing pa sa ibang bansa. Hindi lang tayo naging world’s biggest rice importer, naging world’s biggest loser din tayo sa usapin ng food security at self-sufficiency,” ani Brosas kapag hindi naibasura ang nasabing batas.
Dahil dito, kailangang aniyang maibasura na ang nasabing batas at paunlarin na lamang ang sektor ng pagsasaka kung ayaw umano ng mga kasalukuyang lider ng bansa na mamamalimos ng pagkain ang mga Filipino balang araw sa ibang bansa.
