MAILAP pa rin ang hustisya para sa mga magsasaka na biktima ng tinaguriang Hacienda Luisita massacre na ang tanging kasalanan ay ipaglaban ang kanilang karapatan sa hasyenda ng pamilya ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Ito ang itinatangis ng Kilusang Magsasaka ng Pilipinas (KMP) na ginunita ang ika-16 anibersaryo ng malagim na masaker na kumitil sa buhay ng pitong magsasaka na sina Jesus Laza, Jaime Fastidio, Jessie Valdez, Adriano Caballero, Jr., Jhaivie Basilio, Jhune David at Juancho Sanchez.
“We demand justice for their deaths. We hold accountable past and present regimes for the continuing injustice and absence of accountability on the massacre that spilled the blood of Hacienda Luisita farm workers,” ani Joseph Canlas, KMP vice chairperson at lider ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon.
Magugunita na noong Nobyembre 16, 2004 o panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay binuwag ng puwersa ng pamahalaan ang picket line ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita na nakikipaglaban sa kanilang karapatan na magkaroon ng sariling lupa.
Naging marahas ang pagbuwag sa picket line at humantong sa pagkamatay ng mga biktima.
Matapos ang masaker, ayon kay Canlas, isa-isa ring pinatay at nawala ang ibang lider at mga indibiduwal na nakikipaglaban para sa mga magsasaka na kinabibilangan nina Marcelino Beltran, Abel Ladera, Fr. William Tadena, Ricardo Ramos, Tirso Cruz, Ronald Intal (desaparecido) at Bishop Alberto Ramento.
“For many years, the Hacienda Luisita massacre became an emblem of the state’s brutality toward farmers, peasants, and agricultural workers. It became the symbol of state repression against striking unions that are demanding for economic relief, living wages, and benefits due to them,” ani Canlas.
Lalong walang nangyari sa kaso nang maging pangulo si Aquino subalit ang nakangingitngit umano ay hanggang sa kasalukuyang administrasyon ay tila malabong makamit ang hustisya.
Gayunpaman, hindi umano titigil ang nasabing grupo para panagutin, hindi lamang ang kasalukuyang gobyerno kundi ang mga nakaraang administrasyon nina Arroyo at Aquino sa mga pinatay na magsasaka. (BERNARD TAGUINOD)
