BILYONG PISONG KITA SA QUARRY NG NUEVA ECIJA, MISSING?

BILYONG pisong revenue ang inaasahang kita sana ng probinsya ng Nueva Ecija sa multibillion project ng Central Luzon Link Expressway (CLLEX) na magdudugtong sa tatlong malaking expressway na tutumbok sa sentro ng komersyo at negosyo sa siyudad ng Cabanatuan, subalit sentro ng diskusyon kung saan napunta ang koleksyon sa quarry.

Base kasi sa report ng Commission on Audit (COA), kulelat sa quarry collection ang Nueva Ecija kung saan umabot lamang sa halos P400,000 ang idineklarang kita ng probinsya noong 2022 at nasa P1 milyon lamang ang kinita noong 2023, gayong kasagsagan ito ng konstruksyon ng CLLEX at iba pang infrastructure projects.

Giit ng grupong Progressive Business Alliance of Nueva Ecija (PBA-NE), hindi nila maiwasang maintriga kung bakit isang milyon lamang ang deklaradong kita ng Nueva Ecija sa ilalim ng pamumuno ni Governor Aurelio “Oyie” Umali, gayong pumalo sa mahigit P708 milyon ang deklaradong kita ng Pampanga.

Ayon sa 2023 Reported Income from Sand, Gravel & Other Quarry report ng COA, nanguguna ang Pampanga na mayroong P708,132,750.00 quarry collections, sinundan ng Zambales (P109,970,2854.60); Tarlac (P21,966,398.00); Bataan (P13,386,009.89); Aurora (P10,673,530.07); Bulacan (P7,754,655.50); habang kulelat ang Nueva Ecija na mayroon lamang P1,034,880.00 na deklaradong quarry tax collection.

Ang CLLEX project ay sinimulan noong May 2016 para ayusin ang 35.7-kilometer na expressway-connector na magdudugtong sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX), at North Luzon East Expressway (NLEE) para maidugtong ang Tarlac at Cabanatuan City.

Giit ni Migz Santos, pangulo ng PBA-NE, kung susumahin aabot na sana sa daan-daang milyong piso o bilyon na ang quarry collection ng provincial government ng Nueva Ecija ngayong 2025 dahil sa Phase I pa lamang ng CLLEX project ay nasa P11.359 billion na ang sakop ng proyekto, bukod pa sa Right-of-way Acquisitions, daan-daang milyong infra projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at farm to market-road-projects ng Department of Agriculture (DA).

Una nang sinuspinde ng Office of the Ombudsman si Governor Aurelio Umali at asawa nito na si dating NE Gov. Czarina Umali at iba pa noong Mayo 2024 dahil sa illegal na pag-iisyu ng quarry permit.

Kasalukuyan itong nakabinbin at inaasahang maglalabas ng pinal na desisyon ang graft court sa susunod na mga araw.

(JOEL O. AMONGO)

25

Related posts

Leave a Comment