BOC EMPLOYEE SUGATAN SA AMBUSH

MAPALAD na hindi napuruhan sa tama na bala ang isa na namang empleyado ng Bureau of Customs (BOC) makaraang tambangan ng riding in tandem noong Biyernes ng gabi sa Sampaloc, Manila.

Kinilala ang biktimang si Ryan Difuntorum, 41, binata, empleyado ng BOC Principal Examiner Section 2 sa Port of Manila.

Base sa ulat ni P/Lt. Col. Ramon Nazario, commander ng Manila Police District – Barbosa Police Station 14, bandang alas-7:55 ng gabi nang ambusin ang biktima sa panulukan ng Mendoza St. at Eloisa St. sakop ng Barangay 466 sa Sampaloc.

Nabatid sa report ng pulisya, binabagtas ng biktima ang kahabaan ng Mendoza St. lulan ng Ford Ranger pick-up na kulay puti (AAW-6377) ngunit pagsapit sa Eloisa St. ay huminto dahil nag-red signal.

Sa puntong ito, sumulpot sa likuran ang gunman na armado ng 9MM kalibreng baril at pinaputukan si Difuntorum.

Pagkaraan ay mabilis na tumakas ang suspek lulan ng motorsiklo na minamaneho ng kanyang kasabwat, at nag-counter flow sa Dapitan patungong A.H. Lacson Avenue sa Sampaloc.

Tinamaan ng bala sa kaliwang bahagi ng leeg ang biktima at nagawa pang magpunta sa kanyang kapatid sa Suntrust Condominium sa Ermita na siyang nagsugod sa kanya sa Manila Doctors Hospital.

Sa isinagawang follow-up operation ng pulisya na pinangunahan ni Lt. Roderick Salazar, Block Commander ng UBA PCP sakop ng Station 4, hindi na nila nadatnan ang gunman ngunit nakarekober ng apat na basyo ng bala ng 9MM.

Magugunitang isa ring kawani ng BOC ang tinambangan sa Binondo, Manila noong Enero 8 habang sakay ng kanyang Toyota Innova. (RENE CRISOSTOMO)

146

Related posts

Leave a Comment