KINILALA ni Senador Mark Villar ang husay at pamumuno ng kabataang Pilipino sa ginanap na Mark Villar Leadership Awards para sa Batch 2026.
Pinarangalan sa naturang programa ang mga estudyanteng nagpakita ng natatanging liderato, pananagutan, at paglilingkod sa kanilang mga paaralan.
Kabilang sa mga paaralang may awardees ang Baybay City Senior High School, Camarines Sur National High School, Iloilo National High School, Leyte National High School, Masbate National Comprehensive High School, Negros Occidental High School, New Ormoc City National High School, at Ormoc City Senior High School.
Ayon kay Villar, mahalagang kilalanin ang kontribusyon ng kabataan sa paghubog ng kinabukasan ng bansa.
“Patuloy nating binibigyang-pugay ang sipag, tiyaga, dedikasyon, at pamumuno ng ating mga lider-estudyante… Sila ang magsisilbing haligi ng ating kinabukasan,” ani Villar.
Pinuri rin ng senador ang lahat ng graduates at completers sa kanilang katatagan at determinasyong malampasan ang mga hamon sa pag-aaral.
Dagdag pa niya, ang tagumpay ng mga estudyante ay patunay ng kanilang pagsusumikap at nararapat lamang na sila ay patuloy na suportahan hanggang makamit ang kanilang mga pangarap bilang mga propesyonal.
Sa huli, ipinaabot ni Villar ang kanyang pagbati hindi lamang sa mga pinarangalan kundi pati sa kanilang mga magulang at guro na naging katuwang sa kanilang tagumpay.
(DANNY BACOLOD)
97 